Inialok ko ang karumata upang sila’y ihatid sa kanilang bahay. Tumanggi siyang nagpapasalamat.
— Huwag ninyong akalaing yao’y makaaabala kahit na bahagya sa akin — ang idinugtong ko. Dahil sa mahigpit na pangangailanga’y nararapat akong pumaroon sa bayan at, maaari ko kayong itigil kung saan ninyo nais. Isa pa’y ipinaaala-ala ko sa inyo na hindi mabuti ang mabilad sa araw ......
— May katuwiran ang ginoo — ang salo ng impo. Sasamantalahin natin ang pagkakataong ito upang ihandog sa kanya ang ating bahay.
Pumanhik sila sa karumata at ako’y umupo sa tabi ng kutsero.
At kami’y pumasok ng bayan.
III
Malapit sa baybayin at sa gitna ng matataas at makikisig na puno ng niyog, saging, bunga at kawayan ay may isang bahay na pawid na ang pagkakayari ay walang-walang karangyaan. Isang halamanan ang naghihiwalay sa bahay at sa daan kung yao’y matatawag na halamanan. Tumutubo rito, — hindi dahil sa masikap na pag-aalaga kundi dahil sa katabaan ng lupa, — ang dalawa o tatlong rosal ng alehandriya, mga asusena, margarita, at mirasol na nakatanim sa mga pasong yari sa luwad, nasusuhayan ng mga putol ng tinilad na kawayang may putong na balat ng itlog ng manok. Ang damo’y malago sa lahat ng panig, bagama’t sa isang dulo’y mapapansing sinisimulan na ang paggawa o ang pangangalaga. Isang matanda’t bukbuking bakod na yari sa kawayan na nasusuhayan ng mga punong maliliit ng gumamela, adelpa at sampaguita ang nagkukubli sa mga naninirahan at sa halamanan sa mga mata ng naglalakad. Isang landas na makitid at mabato ang tumutungo sa maliit na bahay na pinapanhik sa pamamagitan ng isang hagdang kalahati’y bato, kalahati’y tabla na may mga sampung baitang. :
Isang utusang babae at isang aso ang sumalubong sa amin.
Inanyayahan akong pumanhik. Ito’y malugod kong pinaunlakan.
Ang anyo ng loob ng bahay ay kapana-panabik.
63