Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/73

From Wikisource
This page has been proofread.

Mapapansin ang kalinisan at mabuting panlasa sa lahat ng dako, tila may isang mapag-alagang kamay na nag-ayos ng iba’t ibang mga kasangkapan. Ito’y binubuo.ng mga upuang kawayan na nakakabit sa dingding, makikintab na hapag na binarnisan na may mga magagarang kagamitang panggitnang puno ng bulaklak, mga magagaang luklukang yari sa yantok, isang napakatandang aparador na nagsisilbing dambanang pinagpapatungan ng maraming larawan ng Birhen sa Antipolo at isang krusipihong yari ayon sa matandang paraan ng paglilok sa Paete. Sa isany sulok ng bulwagan ay maayos na nagkakapatung-patong ang apat na maletang balat at isang kahong pinaglalagyan ng mga kagamitan sa pag-aayos at pagpapaganda at nakakalupkupan ng nikel.

— Dadalawang araw pa lamang kaming dumarating ga bayang ito — ang sabi ng matanda sa akin. Nakikita ninyong ang lahat ay pawang magulo; ang bahay ay kamukhang-kamukha rin halos nito nang aming maratnan nang unang araw. Gayon pa ma’y inihahandog namin sa inyo na kalakip ang boong kagandahang-loob.

Nagpasalamat ako; itinuro sa akin ang silid-kainan at ipinaunawa sa aking may tatlong pinggang nakahanda. Sa katunayan, ang hapag na kainan ay nakaayos na. Ang hapag ay natatakpan ng isang puti’t pinong mantel na yari sa kanyamo, ang mga kasangkapan ay porselanang ginintuan at sa bawa’t isa’y may titik na ginintuan din. Ang mga kubyertos ay yari sa pilak at natatatakan din ng titik na gaya ng nasa mga pinggan.

— Ang utusa’y naghanda ng tatlong pinggan — ang sabi ng matanda sa akin — sa pag-asang pararangalan ninyo ang aming dukhang hain,

— Libong pasasalamat po — ang tugon ko — datapuwa’t ako’y inaantay sa aming bahay kaya’t hindi ko po mapauunlakan ang kalugud-lugod na anyaya ninyo,

— Lubha naming dinaramdam ang gayon. Kung sa pagkakataong ito’y hindi ninyo maaaring paunlakan, inaasahan naming hindi magiging ganyan sa ibang pagkakataon.

Nagpaalam ako, sa kanila at naukit sa aking guni-guni ang mga maliliit na bagay na nauukol sa bahay. Si Minang ay kumakaway sa akin buhat sa durungawan.

64