Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/71

From Wikisource
This page has been proofread.


sa nakasuot na damit na pampaligo ang isang balabal na yari sa Iloko, at gumayak sa pag-alis.

— Kami’y nakatira sa bayan; kahit na dadalawang araw pa lamang kaming dumarating dito, kahit na walang ayos ang aming bahay, ay inihahandog namin sa inyo.

— Gayon din po naman, binibini. Sa kalapit-bayan, at saan man ako mapadako, kayo’y mayroon at may maibibilang na lalong abang lingkod,

— A, kayo pala’y taga K10 .......? Buhat dito’y natatanaw ang simbahan ninyo at iba’t ibang gusali.

At binuksan niya ang isang magarang payong at iniabot sa akin ang kamay upang magpaalam.

— Ako man ay uuwi na rin — ang tugon kong nagpugay — at kung ako’y inyong pahihintulutang sumama, ikararangal kong maghawak ng inyong payong.

Tinipon ng matandang babae ang palanggana at ang damit, nguni’t siya’y hindi pinayagan ng dalaga. Dinala nito ang buslo ng bungang-kahoy at sa pamanhik ko’y ipinagkaloob sa akin ang iba.

Tinunton namin ang landas na sinabi kong namamaybay sa saluysoy at lumabas kami sa daan at lumakad hanggang sa kubong nasa-harap. Malugod silang pinatuloy ng may-ari ng kubo, na nararapat makakilala sa kanila,

Pinasingkawan ko ang kalesa upang sila’y ihatid sa bahay nila, sa dahilang ipinanggagara ng araw ang isang nakasisilaw na liwanag at di-matitiis na init.

Sa loob ng madaling panahon ay lumabas siyang nakabihis ng pangkaraniwan. Isang sayang yari sa pulang perkal, isang tapis na seda, isang puting barong yari sa kayong manipis at isang panyong may kulay ang bumubuo sa kanyang gayak. Sa kanyang mga taingang maliliit ay nakabitin ang dalawang malalaking perlas na parang mga butil ng mais. Ang buhok niyang nakalugay at nakabuhol sa dulo’y tumatakip sa balikat niya.



10 K .. .-— bayan ng Kalamba, Laguna.

62