Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/183

From Wikisource
This page has been proofread.


matuklasan ni Labazarris o Lavezares8, kung sino ang may kagagawan ng gayong napakalaking kasalanan. Hindi nga nararapat ibintang ang kakila-kilabot na kasalanang ito sa mga tagapamahala, kundi sa mga nasawi na rin, sa dahilang gayong maaari silang makatakas ay hindi nangagsitakas upang samantalahin ang kalagayan ng bilangguan, na nakakawangis ng isang yungib ng mga masasamang loob, na mahirap na katuklasan ng may kagagawan ng dalawang pagpatay na ginawa sa loob ng isang oras. Hindi rin nawalan nang panahong iyon ng lubos na pananampalataya ng nagbintang na ang pagpatay ay gawa ng mga duwende at malikmata at iba pa. Sa anu't anuman ang kamatayan ng dalawang maginoong ito'y labis nang nabayaran sa pagkakaloob ni Labazarris sa matandang Lakandula ng isang mahal na kasuutang yari sa seda at isang kuwintas na ginto, bagay na nagpakilala ng hindi pagkaligalig ng kanyang budhi at dahil dito'y ng kawalang sala ni Labazarris, sa dahilang ang gayong mga handog nang panahong iyon ay mga bagay na walang gaanong halaga; noon, ang mga damit na yari sa seda ay pangkaraniwan at ang lalong mahirap ang buhay ay may. kuwintas na ginto, kung paniniwalaan natin ang mga mananalaysay na nangabuhay nang mapapalad na panahong iyon.

Hindi malayo sa bahay na ito'y naroon ang bahay ng kaanak ni Raha Soliman, may maliit na tore at ayon sa nagkasalin-saling sabi'y ang inagawan ng pag-aaring Raha, sa mga araw ng kanyang katandaan, ay nagpapalipas ng buong oras na walang imik at walang kakilus-kilos buhat sa mga durungawan noon, nakapako sa dakong Maynila, na dating kaharian niya.

Sa pagitan ng dalawang bahay na ito ay mayroon pang isa, na hindi kasinlaki ni kasimbantog ng mga kapit-bahay, datapuwa't may isang halamanang lalong mabuti ang pag-aalaga at natatamnan ng magagandang bulaklak. Sa lilim ng mga palmerang may iba't ibang uri, gaya ng niyog, buli, bunga, sa lilim ng ilang-ilang at ng mga nahuhutok at kumakaluskos na kawayan ay gumagapang sa bakod ang mga sanga ng sampagang may mapuputing bulaklak, ang lupa'y natatabunan ng malagong kamantigi, at nangakatayong parang tumutubo sa mga batong sadyang itinambak ang nahu- hutok na usbong ng asusena, mga pulutong ng liryong may kulay ang mga bulaklak na nangakaungos sa magulang na luntiang kulay ng mga dahon. Parang isinabog nang walang ayos, maging sa


8 Tinutukoy dito ang Gobernador Heneral Lavezares.

174