ibabaw ng lupa, maging sa ibabaw ng mga bato, ay ang malalaking
taklobo⁹ na nababalot ng lumot at tumitipon sa kanyang kaputian
ng tubig ng ulán, samantalang sa ibabaw ng latag ng damong kawad-kawaran, parang napakalalaking bulaklak ay mamamalas ang
mga madreporo at polipero na doon at dito'y nakakalat, at nginangalanan ng mga tagalog na bulaklak ng bato dahil sa pinagmulan
niyang anyong halaman at harapang parang bulaklak.
Kung gaano ang kagandahan at pagkakaalaga ng halamanan ay siya namang kalumaan at kapabayaan sa bahay. Ilang bahagi ng bahay ay lalagpak na halos dahil sa pagkasira, salamat na lamang at natatakpan ng mga kalabasa't mga bataw na gumagapang doon. Sa pagmamalas sa gayong pagkakaiba, ay masasabing sa bahay ay walang tumitira kung di maririnig na paminsan-minsang lumulusot sa mga durungawan ang mga taginting ng isang gitara o kudyapi at ang isang uri ng awit na malungkot at mapanglaw na katamtaman ang lakás, na nagbubuhat sa tinig ng isang babae; kung hahatulan sa ayos ng pag-awit ay masasabing parang nagsasanay ng isang bagong awitin.
Ang tinig na iyon ay kilalang-kilala ng mga kapit-bahay; yao'y kay Maligaya kakambal na kapatid ni Maria Sinag-tala, dalawang dalagang dahil sa kagandahan at sa angkang pinagmulan ay lubhang kilala sa kabayanan.
Sa panig ng ama'y apo sila ni Numanatay, ang maginoong pinugutan ng ulong kasama ng anak na lalaki ni Lakandula; ang ina nila'y apo ni Lakandula at nagngangalang Isabela. Ang ama, na nagngangalang Maambun ay di-binyagang gaya ng lahat ng mga nuno nila, at napilitan lamang na pabinyág upang mapakasal kay Isabela, na kanyang iniibig. Datapuwa't isang buwan pagkatapos na makasal, nang siya'y talampakin ng kanyang ama, ang kasindak-sindak na si Kamandagan, ay nagpahayag sa harap ng buong angkan na siya'y nananatili sa dating pananampalataya at siya'y walang ibang ngalan maliban sa Maambun.
— At ang pagkakabinyag sa iyo! — ang tanong nila sa kanya.
9 Ang tinatawag na taklobo ay isang malaking kontsa sa dagat, na karaniwang gamiting lalagyan ng tubig, katulad ng ginagamit na lalagyan ng bendita sa mga simbahan.
175