Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/149

From Wikisource
This page has been proofread.

Nagkainitan sila sa pagtatagisan ng salita, at magsusuntukan na sana kung di namagitan si San Miguel, ang pinuno ng kaayusan doon sa itaas, na pumayapa sa kanila. Inutusan silang umalis ng Amang Walang Hanggan. Sinikap na pigilin ng mga anghel at mga birhen ang ngiti nila.

Sumunod ang isang manang na nagkakangbubukot sa dala-dalang kalmen, mga kandila, mga aklat sa pagsisiyam, mga sintas at iba’t iba pang kulukuti.

— Ito po’y si Ginang Antonia, tubo sa Pilipinas — ani San Juan. Inaksaya ang lahat niyang kayamanan sa pagbili ng mga kulukuting ito at inubos ang walumpung taon sa pagngata ng mga dasal!

— Urong! — anang Amang Walang Hanggan — ito, ano ang maaaring malaman nito tungkol sa Pilipinas?

— Ito naman — ani San Juan — ay isang ulo ng balangay na namatay sa bilangguan dahil sa utang,

— At ano ang nalalaman niya tungkol sa bansa? — ang tanong ng Amang Walang Hanggan.

— Ang kura, Panginoon, ang mga talaan ng mga mamamayan, Panginoon, ang kura, ang mga talaan ng mga mamamayan, ang talaan ng mga mamamayan, ang kura, . . . — ang pautal-utal na wika ng sawimpalad.

— Ilayo siya — ang wika niyang nagbubuntung-hininga.

— Ito’y isang manananggol na naghawak ng mataas na tungkulin sa bansa, dahil sa siya’y naglingkod na mabuti sa mga prayle.

— Tingnan natin, magsalita ang manananggol!

Ang manananggol ay isang lalaking pandak at malaki ang tiyan; nagsimulang lumakad na ang bigat ng katawan ay ibinubunto sa isang paa at pagkatapos ay sa kabila, umubu-ubo nang hindi makabigkas kahit isang kataga at sa wakas ay nagdidighay. Hindi na nakapagpigil ang mga birhen at mga anghelito at ibinulalas ang napakataginting na halakhakan.

— Katahimikan — anang Amang Walang Hanggan — tayo na, magsalita kayo, dito’y nasa piling kayo ng mga kaibigan, magtiwala kayo.

140