Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/150

From Wikisource
This page has been proofread.

Nang marinig ng lalaki ang magigiliw na pangungusap na ito, siya’y nagsimulang umiyak at dahil dito’y pinaurong siya. Madalas na hinaplos-haplos ng Amang Walang Hanggan ang kanyang balbas.

— Ang sumusunod ay may kabantugan sa pagiging pinakamatalas ang isip noong kapanahunan niya, lagi na siyang nanungkulan, naging hukom, gobernador, patnugot at iba pa.

— Hala, tayo na, magsabi ka sa amin tungkol sa Pilipinas sapagka’t ninanais kong ako’y maliwanagan.

— A! ninanais ba ng Inyong Maharlikang Kadiyusan na kayo’y maliwanagan? Kung gayo’y tumungo kayo sa mga prayle, sumangguni kayo sa mga prayle, kumapit kayo sa mga prayle, maglangis kayo sa mga prayle, pumanig kayo sa lapian ng mga prayle, magbigay katuwiran kayo sa mga prayle ...

— Kung gayo’y pabalikin siya sa mga prayle — ang utos ng Kanyang Maharlikang Kadiyusan na nag-anyong galit.

Ang lalaki’y sinunggaban ni San Miguel, sinipa sa isang bahagi ng katawan, at parang lumilipad na patungo sa lupa at pagdating dito ay naging isang bangang luwad at humantong sa silid ng mga maysakit ng isang kumbento.

— Bakit pinabayaang makapasok ang ganyang mga nilikha sa aking kaharian nang hindi muna nalilinis? Ano ang ginagawa ni Pedro — anang Amang Walang Hanggang nagpamalas ng mga tanda ng matinding pagkayamot.

Iniharap ni San Juan ang isang matandang lalaking nagpauna nang buong kakisigan,

— Ito po’y isa sa mga ibong lalong matataba sa Pilipinas — ani San Juan — sa buong buhay niya’y naging prayle ...

— Aha! ito pala’y isang prayle! — ang ibinulalas ng Amang Walang Hanggan, na tumingin nang may pananabik sa matanda — tingnan nga natin kung paano magpaliwanag ang prayle. Hala, magsalita kayo.

— Kung gayon, Panginoon, dito, na inyong kinakikitaan sa akin — anang matanda — ako’y isang kababalaghan; pinaunlad ko ang bansa sa pagsisikap na makuha ko ang lahat ng salaping ma-

141