gan nila ang dalawang pagkalaki-laki at kakatwang anyo na bu-
mababa buhat sa bundok.3 Ang lalong matapang sa mangangaso
ay nagtangkang huminto at lagyan ng punlo ang kanyang baril,
datapuwa't hinaltak siya ng kanyang kasama at kapuwa sila nag-
panakbuhan nang buong bilis na maaaring itulot ng bigat ng kani-
lang pasan-pasan. Datapuwa't palapit nang palapit ang mga ka-
katwang nilikhang iyon at naririnig na ang kanilang mga yabag.
Kaya't nang dumating ang mga mangangaso sa isang Bukal ay
inihagis nila ang kanilang pasan-pasan, nangagsiakyat sa isang pu-
nong-kahoy at buhat doo'y hinintay nilang nakaakma ang mga baril.
Ang mga aso naman, nang makitang sila'y napag-iwan ay sinagi-
lahan ng kakila-kilabot na sindak, kumarimot ng takbong patungo
sa bayan, na hindi man tumatahol kahit bahagya.
Dumating ang mga halimaw, at nang sila'y makita ng mga
mangangaso ay kapuwa pinanlamigan ng dugo sa mga ugat. Ang
sa aki'y nagsaysay ng pangyayaring ito, na pamangkin ng isa sa
mga mangangasong iyon ay hindi nakapaglarawan kailanman sa
akin ng hugis ng mga kakatwang nilikhang iyon. Ang tanging
naibalita niya sa akin ay ang kanilang mga pangil na mahabang-
mahaba at kumikislap kung tamaan ng liwanag ng buwan: ito la-
mang ang tanging naririnig niya sa kanyang amain. Sa loob ng
ilang sandali lamang ay nilamon ng mga halimaw ang mga baboy-
ramo at mga usa na kanilang natagpuan sa lupa, at pagkakain ay
nagsitungo uli sa bundok. Noon lamang pinagsaulan ng ulirat ang
mga mangangaso, at bagaman ang lalong matapang ay nagpaputok,
nguni't ang punlo ay hindi lumabas, at biglang nawala ang mga
halimaw.
Kailanma'y hindi napag-alaman kung si Mariang Makiling ay
may mga magulang, mga kapatid o kamag-anak; ang ganyang mga
nilikha'y tumutubo sa kalikasan katulad ng mga batong tinatawag
na mutya ng mga tagalog. Hindi rin napag-alaman ang tunay ni-
yang pangalan; tinatawag siyang Maria upang mabigyan lamang
ng isang pangalan. Kailanma'y hindi siya namataang pumasok sa
kabayanan o nakilahok sa anumang pagdiriwang na nauukol sa re-
lihiyon. Siya'y namalaging gaya rin ng dati, at ang lima o anim
na salin ng lahing nakakilala sa kanya ay nagpapatunay na siya'y
laging bata, sariwa, maliksi at wagas.
_____
3 Tinutukoy rito ang dalawang halimaw o anumang kasindaksindak na
lamang-lupang ang sigaw ay narinig ng dalawang mangangaso. Hindi ma-
layong ito ang higanting ipinamalas ni Mariang Makiling sa dalawang ma-
ngangasong nagsitanging magbigay ng isang ulo ng usa sa isang matan-
dang babaing di-malayong siya ring Mariang Makiling na nagmata-ma-
tandaan lamang.