Jump to content

Page:Ang "Filibusterismo" - (karugtong ng Noli me tangere) (IA angfilibusterism00riza).pdf/96

From Wikisource
This page has been validated.


— 90 —


sugál si P. Sibyla, nguni't hindi siya makaimík dahil sa malaki niyang pag-aalang-alang sa dominiko; datapwa'y si P. Irene naman ang pinagbubuntuhan niyá ng galit, sapagka't ipinagpapalagay niyang mapagpusà at sa gitna ng kaniyang kabuhalhalan ay di binibigyáng halagá. Hindi man lamang siyá tinitingnan ni P. Sibyla: binabayaan siyang mag-uungól; datapwa si P. Irene, sa dahilang mapakumbaba, ay humihinging tawad samantalang binihimas ang tungkil ng mahabà niyang ilóng. Ang General namán ay nagagalák at sinasamantala ang pagkakamali ng kaniyang mga kalaban, sapagka't siya'y mabuting magparaán, alinsunod sa paayo ng kanónigo. Hindi batid ni P. Camorra na ang pinaglalaruan sa ibabaw ng dulang na iyon ay ang ikalulusog ng pag-iisip ng mga pili. pino, ang pagtuturo ng wikàng kastilà, sapagka't kung nalalaman niya, ay malugód sanang nakihalò sa laruan.

Sa mga durungawang bukás ay pumapasok ang malinis at masarap na simoy at nátatanaw ang lawà, na ang kaniyang tubig ay mahinhing bumubulong, sa paanan ng bahay, nawaring nangangayumpapà. Sa dakong kanan, sa malayò, ay nátatanaw ang pulông Talím na lubhang bughaw; sa gitna ng lawà at halos katapát lamang ay may isang pulông kulay dahon, ang pulô sa Kalamba, na walang tao at ang ayos ay waring kabiyak na buan; sa kaliwa, ang magandáng pangpangin na nahihiyasán ng kakawayanán, isáng bundók bundukang tanáw ang boong lawà, malalawak na bukirín, sa dako pá roon ay bubóng na sagà sa mga pagitan ng kulay na berdeng maitímitím ng mga dahon, pagkatapos ay ang bayang Kalamba at sa huling dakong abót ng tanáw ay waring bumábaba ang langit sa tubig ng lawà na anyông dagat, na siyang sanhing tawagin siyang "dagat na tabáng" ng mga taga roon.

Sa isang dulo ng salas ay naroroon ang kalihim na nakaupo sa harap ng isang mesa na kinapapatungan ng ilang putol na papel. Ang General ay masipag at hindi niya ibig ang mag-aksayá ng panahón, kaya't tinatapos ang ilang gáwain samantalang nag-aalkalde sa tresillo ó samantalang namimigay ng baraha.

Samantala namang naglalaruan ay naghihikáb at nabubugnót ang kalihim. Ang ginagawa sa umagang iyon ay ang pagpapalitpalit ng bayang dapat kalagyan ng mga kawani,