Ang pagkagalit ng isang lalaking nakakita sa kaniyang asawa
na pumapasok na kaakbáy ng ibang lalaki sa isang silid na
lihim ay hindi papantay sa sulák ng galit ni kabisang Tales sa pagkakakita sa dalawang iyón na patungo sa kaniyang
bukid, sa mga bukid na kaniyang ginawa at inasahan niyang
maipamamana sa kaniyáng mga anák, Sa wari niya'y nagtatawanan ang dalawang iyón, linilibák siyá sapagka't walang
magawâ; pumasok sa kaniyang alaala ang sinabing: hindi ko
ibibigay kung di sa dumilig muna sa kanila ng sariling dugô
at ilibing sa kanila ang asawa't anák......
Nápahinto, hinaplós ng kamay ang noo at ipinikit ang mga mata; ng muling dumilat ay nakitang namimilipit ea kátatáwa ang taong iyon at sapol ng prayle ang kaniyang tiyan upang huwag pumutók sa katuwáán; at pagkatapos ay nákita niyang itinuro ang kaniyang bahay at muling nangagtawanan.
Naghumugong ang kaniyang tainga, náramdaman sa kaniyang palipisan ang higing ng isang hagkís, ang ulap na pulá'y sumipót na muli sa kaniyang paningin, muling namalas ang katawang bangkay ng kaniyang asawa't anák at sa kapiling ay ang lalaki at ang prayleng nagtatawá na pigil ang tiyan.
Nalimot niya ang lahát, lumiko at tinungo ang landas na linalakaran ng lalaki at ng prayle; yaon ang landas na tungo sa kanyang bukirín.
Si Simoun ay nabagót sa kaaantay kay kabisang Tales sa gabing yaón.
Nang magising siyá kinabukasan ay nápunang ang supot na katad na kinalalagyan ng kaniyáng rebolber ay walang lamán; ng kaniyang buksán ay nakakuha sa loob ng kaputol na papel na kinababalutan ng agnós na may esmeralda at brillante at kinasusulatan ng ilang salita sa wikang tagalog, na ang sinasabi ay:
"Ipagpatawad pô ninyo, ginoo, na kahit nasa aking bahay ay pagnakawan ko kayo nguni't ang pangangailangan ay siyang nag-udyók sa akin, nguni't iniwán kong kapalit ng inyong rebolber ang agnós na pinakananasà ninyó. Kailangan ko ang armás at makikisama na ako sa mga tulisán.
Ipinagbibilin ko sa inyóng huwag ipagpatuloy ang inyong