Jump to content

Page:Ang "Filibusterismo" - (karugtong ng Noli me tangere) (IA angfilibusterism00riza).pdf/91

From Wikisource
This page has been validated.


— 85 —

Kinamot ni kabisang Tales ang kaniyang ulo, na hindi maalaman kung ano ang gagawin, kinamot ang tainga at pagkatapos ay tumingin sa mga babai.

—Naiibigan ko ang agnós na iyan—aní Simoun—¿ibig bagá ninyong ibigay sa isang daan.... . limang daang piso? ¿Ibig ninyong ipagpalit ng iba? Pumili kayó ng inyong ibig.

Si kabisang Tales ay walang imik at nakamulalàng pinagmamasdán si Simoun na wari'y alinlangan sa kaniyang nádidingíg.

—¿Limang daang piso?—ang bulong.

—Limang daan—ang ulit ng mag-aalahás na nabago ang boses.

Kinuha ni kabisang Tales ang agnós at pinihitpihit; malakás na tumitibók ang kaniyang palipisan, ang kaniyang mga kamay ay nanginginig. ¿Kung humingi pá kaya siyá ng lalong malaki? Makapagliligtas sa kanila ang agnós na iyon: ang pagkakataong iyon ay mainam at hindi na mangyayaring muli.

Kinikindatán siya ng mga babai upang ipagbili na, tangi lamang si Penchang, na, sa pangangambang baka tubusin si Huli, ay nagwikàng:

—Kung ako'y pakakaingatan ko iyang wari relikias.... ang mga nakakita kay María Clara sa kombento ay nagsasabing namalas niláng payát na payát na hindi halos makapagsalita, kaya't inaakalang mamámatáy na banál.... Pinupuri siya ni P. Salvi, sapagka't siyá niyang pinagkukumpisalan. Baka dahil doon kung kaya hindi iyan ipinagbili ni Huli at pinili pa ang masangla siya.

Ang pahiwatig na ito'y nagkakabuluhán.

Nakapigil kay kabisang Tales ang pagkaalaala yang anak.

—Kung ipahihintulot ninyó—anyá—ay tutungo akó sa bayan at isasanguni ko sa aking anák; bábalík akó rito bago magtakipsilim.

Nagkasundo silá sa gayon at pumanaw noon din si kabisang Tales.

Nguni't ng nasa labás na siyá ng nayon, ay natanaw niyá sa malayo, sa isang landas na tungo sa kagubatan, ang prayleng nangangasiwà sa hacienda at ang isang taong nákikilala niyang siyang kumuha ng kaniyáng mga lupain.