Jump to content

Page:Ang "Filibusterismo" - (karugtong ng Noli me tangere) (IA angfilibusterism00riza).pdf/87

From Wikisource
This page has been validated.


— 81 —


At hindi pá ang mga kulay dahon ang pinakamahal sa lahát, kungdi itong mga bughaw.

At ibinukód ang tatlong bató na hindi namán lubháng malalaki nguni't lubhang makakapál at mabuti ang pagkakatapyás, na may kaunting kulay bughaw.

—Kahit na mumunti iyán kay sa mga kulay dahon—ang patuloy—ay ibayo ang halaga.

Tingnan ninyó itó na pinakamaliit sa lahát, na ang timbáng ay hindi hihigit sa dalawáng kilatis, nábilí ko ng dalawáng pûng libong piso at ngayo'y hindi ko maibibigay ng kulang sa tatlong pûng libo. Upang mabilí ko lamang iyan ay linakbay ko pang sadya. Itong isá na nákuha sa mina sa Golconda ay tatlóng kilatis at kalahati ang timbang at ang halaga'y higit sa anim na pûng libo. Tinatawaran sa akin iyan ng labing dalawang libong libras esterlinas nang Virrey sa India, sa pamag-itan ng isang sulat na tinanggap ko kamakalawa.

Sa harap ng gayong karaming kayamanan na naipon sa kamáy ng taong iyon, na palagay na palagay kung mangusap, ay nagdaramdam ng wari'y paggalang na may halong sindák ang mga nároroon.... Makáilang pumalaták si Sinang at hindi siyá kinurót ng kaniyang iná, sapagka't natutubigan marahil ó kaya'y sa dahilang inaakala niya na ang isang mag-aalahás na kagaya ni Simoun ay hindi magnanasàng magtubo ng limang piso pá, humigit kumulang, dahil sa isáng bulalás na hindi napigil. Ang lahat ay nakatingin sa mga bató, walang nagpapamalas ng nasàng humipò, nangatatakot. Natitigilan silá dahil sa pagkakamangha. Si kabisang Tales ay sa kaparangan nakatanáw at iniisip na isá lamang sa mga brillanteng iyon, ang pinakamunti marahil, ay sukat ng maitubós sa kaniyáng anák, huwag maiwan ang bahay at marahil ay maipagpagawa ng ibang bukid.... Dios! ¡diyatà't ang isá lamang sa mga batóng iyon ay mahalagá pá kay sa tahanan ng isang tao, sa ikaliligtas sa panganib ng isang dalaga, sa kapayapaan ng isáng matanda sa kaniyáng mga huling araw!

At dahil sa waring nahuhulaan ni Simoun ang kaniyang iniisip ay sinabi sa mga kaharáp na magkakaanák na:

—At tingnan ninyó, tingnan ninyó; dahil lamang sa isá sa mga maliliit na batóng bughaw na ito, na waring walâng

6