— 80 —
kaniyang iná, nguni't itó mán ay nakabitíw din ng isang
pahangàng ¡Sus María!
Hanggang sa mga sandaling iyon ay wala pang nakakikita ng gayóng karaming kayamanan. Sa kahóng iyon, na may balot na tersiopelong bughaw na mangitímnğitim, na may mga halang, ay namamakás ang katunayan ng mga pangarap sa "Isáng libo't isáng gabí", ang pangarap ng mga salamisim sa kasilanganan. Mga brillanteng kasinglaki ng mga garbansos na nagkikinangang nagtatapon ng kisláp na nakasisirà ng matá, na waring ibig matunaw o mag-alab sa kintáb; mga esmeraldang galing sa Perú na iba't ibá ang tapyás at ayos, mğa rubí sa India na napupulang wari'y paták ng dugô, mğa sápiro sa Ceylán na bughaw at puti, mğa turkesa sa Persia, perlas na makinis ang balát, na ang ilan sa kanila'y numúmulámulá, mangabóngabó at maitím. Ang makabubulay ng anyo ng sisidláng iyon, ay yaóng nakakita lamang sa gabi ng isang kuwitis na nagsabog ng mumunting liwanag na sarisaring kulay, na ang kinang ay nakapagpapalamlám sa mga walang kupas na bituwin.
Waring upang lalong maragdagan ang pagkakamangha ng mga kaharap ay hinalòhalò ni Simoun ang mga bató ng kaniyang kayumanggi at mahabang daliri at waring naiigaya sa taginting at sa pagdudulasang wari'y paták ng tubig na nagbibigay kulay sa bahag-hari. Ang kináng ng gayong maraming tapyás at ang kahalagahan nila'y nakaaakit sa mga matá. Si kabisang Tales, na lumapit dahil sa nasàng makakita namán, ay ipinikit ang mga matá at lumayông bigla na waring upang mapawi ang isang masamang akalà. Ang gayong karaming kayamanan ay waring nakaaalipusta sa kaniyang kahirapan; naparoon ang taong yaon na ipinagpaparangalan ang kaniyang malaking yaman sa kasunod pá namán ng araw na iiwan niya ang bahay na iyon dahil sa kakulangan sa salapi at sa sukat mag-ampón.
—Nárito ang dalawáng brillanteng itím na pinakamalakí sa lahat—ang sabi ng mag-aalahás—mahirap tapyasán, sapagka't napakatitigás.... Ang batóng itó na may kaunting kulay pulá ay brillante rin, gayón din naman itong berde na marami ang nag-aakalang esmeralda raw. Tinawaran na iyán sa akin, ng anim na libong piso, ng insík na si Quiroga upang ibigay sa isáng señora na malakás ang kapit....