Jump to content

Page:Ang "Filibusterismo" - (karugtong ng Noli me tangere) (IA angfilibusterism00riza).pdf/82

From Wikisource
This page has been validated.


— 76 —

Samantala nama'y nagsásayá ang mga prayle; nanalo na silá sa usapin at sinamantala ang pagkakabihag kay kabisang Tales upang ibigay sa humingi ang mga lupàín nitó na walang munti mang karangalan, ni walang kahiyâhiyâ. Nang dumating ang dating mayari at nabatid ang mga nangyari, ng makitang inaari ng iba ang kaniyáng mga lupain, yaóng mga lupaing naging sanhi ng ikinamatay ng kaniyang asawa't anák; nang matagpuang pipi ang kaniyang amá, ang kaniyang anák ay naglilingkod na parang alilà, at tumanggap pá ng isang utos, na bigay ng tinintí sa nayon, upang alisin ang mga lamán ng bahay at iwan itó sa loob ng tatlong araw, ay umupo si . kabisang Tales sa piling ng kaniyang amá at hindi man halos nangusap sa boong maghapon.

X

KAYAMANA'T KARALITAAN

Kinabukasan, sa gitna ng pagkakamangha ng boong nayon, ay nakituloy sa bahay ni kabisang Tales ang manghihiyas na si Simoun na may kasamang dalawang batàán na pasáng malalaking takbá na nababalutan ng lona. Sa gitna ng kaniyang pagdadálità ay hindi nalilimutan ni Tales ang magandang ugali ng tagarito, kaya't nagugulumihanan sapagka't wala siyang sukat mafhandóg sa dayuhang yaón. Datapwâ'y may taglay nang lahát ng bagay si Simoun, mğa alilà at kakanin, at wala siyang nais kun di ang manirahan ng isang gabí't isang araw sa bahay na iyón, sapagka't siyáng pinakamalaki sa nayon at sa dahiláng nápapagitnâ sa San Diego. at sa Tiani, mga bayang inaakala niyang may maraming mámimili. Inusisà ni Simoun ang kalagayan ng mga daan at itinanong kay kabisang Tales kung sukat na ang kaniyang rebolber upang makapagtanggol sa mga tulisán.

—May mga baril na malayò ang abót—ang sabi ni kabisang Tales na nátatangá.

—Hindi na páhuhuli ang rebolber na itó—ang sagot ni Simoun na nagpaputók, na ang pinatamàán ay isang punong bunga na may dalawang daang hakbang ang layô.

Námalas ni kabisang Tales ang pagkahulog ng ilang bunga, nguni't hindi umimík at nagpatuloy sa pag-iisip.