— 75 —
tang pinaglilingkuran ni Huli, ang nangyari: bumigkás ng
dalawá ó tatlong susmariosep!, nag-angtanda at nagsabing:
—Kung kaya tayo pinadadalhan ng Dios ng ganyang parusa, sa kadalasan, ay dahil sa tayo'y makasalanan ó kaya'y mayroon tayong mga kamag-anak na makasalanan na dapat sanang turuan natin ng kabaitan, nguni't hindi natin ginawa.
Sa pagsasabi nang "kamag-anak na makasalanan" ay si Huli ang tinutukoy; sa ganáng sarili ng matanda ay lubhang makasalanan si Huli.
—Sukat ba namang ang isang dalagang maaari ng magasawa ay hindi pá marunong magdasál! Jesús, anóng laking pagkakasala! ¿Dapat ba namáng bigkasín ng tunggák na iyón ang Dios te Salve María ng hindi humihinto sa es contigo, at ang Santa María ay walang patlang sa pecadores, ng ginagawa ng sino mang mabuting kristiana na may takot sa Dios? Susmariosep! ¡Hindi nakaaalám ng oremus gratiam at ang sinasabi'y mentibus at hindi méntibus. Ang sino mang makakadingíg sa kaniya ay mag-aakalang ang sinabi'y suman sa ibus. Susmariosep!
At nag-aantandâng wari'y di mápalagay at nagpapasalamat sa Dios na pinayagang mahuli ng tulisán ang amá upang maalis sa pagkakasala ang anák at mátuto ng kabaitan, na alinsunod sa sabi ng kura, ay dapat taglayin ng bawà't babaing kristiana. At dahil dito'y kaniyang pinipigil, hindi pinadadalaw sa nayon upang kalingàin ang nunò. Kailangan ni Huli ang mag-aral, magdasál, basahin ang mumunting aklát na ikinákalát ng mga prayle at gumawa hanggang sa mabayaran ang dalawang daan at limang pung piso.
Nang maalamang tumungo si Basilio sa Maynilà upang kunin ang salaping naiipon at ng matubós si Huli sa bahay. na pinaglilingkurán, ay inakala ng babai na ang dalaga'y masasawi na at pakikiharapán ng diablo na mag-aanyông kagaya ni Basilio. ¡Kahit na nakaiinip, ay lubhang makat wiran iyong munting aklát na ibinigay sa kaniya ng kura! Ang mga binatang tumutungo sa Maynilà upang mag-aral, ay nangaliligaw at nangliligaw pá ng ibá. At sa pag-aakalang inililigtas niyá si Huli ay ipinag-uutos dito na basahing mulî't muli ang aklat ni Tandang Basio Makunat at pinapaparoon. sa bahay-pari upang makipagkita sa kura, na kagaya ng babaing pinakakapuri ng prayleng kumatha.