Jump to content

Page:Ang "Filibusterismo" - (karugtong ng Noli me tangere) (IA angfilibusterism00riza).pdf/71

From Wikisource
This page has been proofread.

— 65 —

kapagpadalá doón ng kinatawan na náhalal ng ayon sa inyóng hangád, ¿anó ang magagawa ninyó roón kun di malunod sa gitna ng maraming tingig at sang-ayunan, sa pamamagitan ng inyong pagkakaharáp doón, ang mga kapaslangan at kamaliang gawin? Samantalang lalong kaunti ang mga karapatáng ipagkaloob sa inyo ay lalò namáng malaki ang inyong karapatán sa pagpawi ng pasanin at gantihin silá ng masama sa kasamâán. Kung ayaw iturò sa inyó ang kanilang wika ay pag-aralan ninyo ang inyó, inyong pakalatin, bayàang mamalagi sa bayan ang sariling pag-iisip, at sa pagnanasàng maging isang lalawigan ay ipalit ang hangad na maging bansa, sa paghahakàng sumasalilong ay paghahakàng malayà, ni sa hilig, ni sa salita ay huwág mangyaring maipalagay ng kastilà na siya'y parang nasa bahay niya dito, ni ipalagay ng taga rito na sila'y kababayan kundi manglulupig magpakailán man, dayuhan, at sa málaó't mádalî'y tatamuhin ninyo ang inyong kasarinlán. Itó ang sanhi kung kaya hangád kong kayo'y mabuhay.

—Ginoo, nápakalaking karangalan ang ipinagkaloob ninyó sa akin sa pagpapahayag ng inyong mga balak upang huwag akong magtapát at sabihin na ang hinihiling ninyó sa akin ay higit sa makakaya ko. Ako'y hindi nakikilahok sa polítika, at kung sakaling linagdaan ko ang kahilingan sa pagtuturo ng wikàng kastilà ay dahil lamang sa nakikita. kong iyo'y makabubuti sa pag-aaral, at wala nang ibá. Aug aking tungo ay ibá, ang hangád ko'y mapagaling lamang ang mga sakit na dináramdam ng aking mga kababayan.

Ang mag-aalahás ay napangiti.

—Anó na lamang ang mga sakit ng katawán sa sakít ng damdamin?—ang tanong—¿anó na lamang ang kamatayan ng isang tao sa kamatayan ng isang kalipunán? Balang araw marahil ay magiging isá kayóng bantóg na manggagamot kung pababayaang makapanggamot na mapayapà; nguni't lalò pang dakilà yaóng makapagbigay buhay sa lugaming bayang itó. Kayó ¿anó ang ginagawâ ninyóng ukol sa bayang ito na kinakitaan ng unang liwanag, nagbibigay búhay sa inyó at nagdudulot sa inyó ng ikatututo? ¿Hindi ba ninyó alám na walang kabuluhan ang buhay na hindi iniuukol sa isang malaking layon? Iyá'y isang munting batóng natapon sa kaparangan na hindi kasama sa pagkabuo ng isang bahay.

5