Jump to content

Page:Ang "Filibusterismo" - (karugtong ng Noli me tangere) (IA angfilibusterism00riza).pdf/64

From Wikisource
This page has been validated.

— 58 —


tatandang alamát na ukol sa nakapangníğilabot na poók na iyon, ang oras ng gabi, ang kadilimán, ang malungkot na simoy, at ang mga ilang kasaysayang nápakinggán nang siya'y musmós, ay nakasindák dín sa kaniyang kalooban at naramdamán niyang ang kaniyang pusò'y tumítibók ng malakás.

Ang anino'y tumigil, sa kabiláng ibayo ng balitì, na nákikita ng binatà sa puwang ng dalawang ugát na sa katandaan ay waring dalawáng sangá na. Kinuha sa ilalim ng. damit ang isang ilawáng may malakás na lente na inilagay sa lupà at nakaliwanag sa mga "botas de montar"; ang ibang dako ng katawan ay nababalot din ng kadilimán. Waring hinalungkat ng anino ang mga bulsá at pagkatapos ay tumungó upang ikamá ang dahon ng isang asaról sa isáng malaking tungkód: nagulat si Basilio ng makitang kaanyo yaon ng mag-aalahás na si Simoun. At siya ngang talagá.

Hinuhukay ng mag-aalahás ang lupà at maminsanminsa'y naliliwanagan ng ilaw ang mukha: wala ang salaming nakapagpapabago ng anyô. Si Basilio ay nangilabot. Yaón din ang taong may labing tatlong taon nang humukay doon ng paglilibingan sa kaniyang iná, tumanda ngá lamang ang buhok ay pumuti at nagkaroon ng bigote at balbás, nguni't ang paningin ay hindi nagbabago, yaon din ang dating anyong malungkot, yaón din ang ulap ng noo, ang malakas na bisig ay yaón dín, tuyo ngâ lamang ng kaunti, yaon ding kaloobang masulák. Ang mga alaala sa nakaraan ay muling umalí sa kanyá: wari'y naramdaman ang init ng sigâ, ang gutom, ang kaniyang panglulupaypay noon, ang amoy ng lupàng nabungkal...... Ang pagkakatuklás na ito'y nakapangilabot sa kaniya. Kung gayon ay ang mag-aalahás na si Simoun, na ináakalàng indio inglés, portugés, amerikano, mulato, Cardenal Moreno, Eminencia Negra, ang budhing nag-uudyok ng masama sa Capitán General, gaya ng tawag ng ilán, ay dili ibá palá't yaбng mahiwagang tao na ang kaniyang pagsipót at pagpanaw ay nátaón sa pagkamatay ug nagmamana sa mga lupaing yaón. Nguni't sino ang Ibarra, doon sa dalawang taong kaniyang nákaharap, ang buháy ó ang patay?

Ang katanungang itó na itinatanong niyá sa sarili, kailan ma't napagsasalitaan ang pagkamatay ni Ibarra, ay