— 56 —
isang paraan sa pag-aaral na hindi man niya nahinalà na
mákikita sa paaralang iyon. Líban sa ilang bagay na walang
malaking kabuluhan at ilang bagay na walang kapararakan
ay hinangaan ang patakarang sinusunód doon sa pagtuturo
at lubos ang kaniyang pagkilala ng utang na loob sa pagsusumakit ng mga guro. Nápapaluha siya kung minsan
naáalaala ang apat na taong nakaraan na dahil sa kakulangán sa magugugol ay hindi siya nakapasok doon. Ki.
nailangan niyang gamitin ang lahát ng pagsusumikap upang
mapantayan ang nangagkaroon ng mabuting pasimula at nasabi niyá sa sarili na nang taón lamang na iyón napagaralan niya ang limáng taón ng "segunda enseñanza". Dinaan
ang bachillerato sa gitna ng kagalakán ng kaniyang mga propesor at sa paglilitis ay ipinagmalakí siyá sa haráp ng mga
hahatol na dominiko na pinaparoon upang makibatyág. Upáng
mapawi ng bahagya ang kagalakan ay tinanong ang nililitis
kung saan nag-aral ng mga unang taon sa latín.
—Sa San Juan de Letrán, Padre—ang sagot ni Basilio.
—¡Ah! Sa latín ay mabuti ang nakangiting sabi ng dominiko.
Dahil sa kaniyang hilig at ugali ay pinili ang Medicina: ibig sana ni kapitáng Tiago ang Derecho upang magkaroón ng abogadong walang bayad, nguni't hindi ang dumunong at makabatid ng mga kautusan ang kailangan lamang upang magkaroon ng ipagtatanggol sa Pilipinas: kailangang magpanaló ng mga usapin at upang ito'y mangyari ay kailangang magkaroon ng maraming kakilala, lakás sa itaás, maraming salitang pasalisalimuút. Napahinuhod din si kapitáng Tiago sapagka't naalaalang ang mga nag-aaral ng Medicina ay naglalamuták ng patáy: malaon nang humahanap siyá ng isang lason na ipangsusubó sa tari ng kaniyang mga manók at ang pinakamabuting nálalaman niya ay ang dugo ng isáng insík na namatay dahil sa sakit na sípilis.
Gaya rin ng dating pagsusumigasig, ó higít pá kung mangyayari, dinaán ng binatà ang mga taong pag-aaral ng "facultad", at mula pa sa ikatlóng taón ay nanggamót na siya, na pinalad namán, bagay na hindi lamang pagsisimula ng isang magandáng háharapin kundi nagbibigay din naman sa kaniya ng sapát na gúgugulin upang makapagbihis ng mainám-inám at makapag-ipon pá ng kaunti.