— 52 —
May labing tatlong taon nang ganap na ganap na namatay doón ang kanyang iná, sa gitna ng karalitàan, nang isang magandáng gabí na ang buwan ay maliwanag at ang mga kristiano sa bóong mundo ay naggagalák. Sugatin at pípiláy-piláy siyáng nakarating doon sa pagsunod sa kanyang iná, at itó namán ay baliw at lipus katakutang lumalayo na wari'y anino sa kaniyang anak. Doón namatay; dumating ang isang taong hindi niya kilala at ipinag-utos sa kanyang magbuntón ng kahoy, bigla siyang umalinsunod at ng siya'y bumalik ay isá pang hindi rin kilala ang natagpuan sa piling ng bangkay ng una. ¡Anóng araw at gabi iyon! Tinulungan siyá noóng taong hindi kilalá sa pagbubuntón ng kahoy na pinagsunugan sa bangkay ng lalaki, hinukay ang pinagbaunan sa kanyang iná at matapos abután siya ng kaunting kuwalta ay ipinag-utos sa kaniyang umalis sa pook na iyon. Noon lamang niyá nákita ang lalaking iyon; matangkád, mapupula ang matá, mapuputiâ ang labi, matangos ang ilóng....
Ulila ng lubos, walang magulang at kapatid, ay iniwan niya ang bayang iyon na mayroong mga may kapangyarihang kinasisindakan niyá at tumungo sa Maynilà upang pumasok na alilà sa isang mayaman at mag-aral, na gaya ng ginagawa ng ilán. Ang kaniyang paglalakbay ay isang paglalagalág, puno ng pagpupuyát at pag-aagam-agam, na gutom ay inaalintana. Ang ipinangtatawid kagutuman niyá ay mga bungang kahoy ng mga kagubatang kaniyang pinagtataguan kailan ma't nakakatanáw ng suot guardia sibil, kasuotang nakapagpapaalaala ng pinagbuhatan ng kaniyang mga kasawián. Nang nasa sa Maynilà na siya, gulágulanít ang damit at may sakit pá ay dumulóg sa mga bahaybahay at pu. mapasok na alilà. ¡ Isáng batàng taga lalawigan na hindi marunong ng ano mang wikàng kastilà at masasaktín pá! ¡Walang pag-asa, dayukdók at hapís na gumalàgalà sa mga lansangan na nápupuna ng mga táo dahil sa ayos na karumaldumal ng kaniyang damit! ¡Makáilang tinangka ang payurak na sa mga kabayo, na nangagdaraang parang kidlát na hila ang mga sasakyang nagkikinangan sa pilak at barnís, upang matapos na ang kaniyáng mga paghihirap! Salamat at nakitang nagdaán si kapitáng Tiago na kasama si tia Isabel; kilala niyá ang mga taong iyón mulâ sa San Diego at sa kaniyang kagalakán ay inakalang wari mga kababayan niyáng mistulà.