Jump to content

Page:Ang "Filibusterismo" - (karugtong ng Noli me tangere) (IA angfilibusterism00riza).pdf/54

From Wikisource
This page has been validated.


— 48 —


lisbisan ng bahay at siyang nagbibigay nang anyong masaya. Namamasdán ni Basilio na ang mga pag-iilaw ay umuunti rin, na ang mga bitwin ay nawawala, na nang nakaraang taón ay kakaunti na ang mga palamuti at palawit, at nang taong ito ay lalò pa manding kaunti kay sa nakaraan.... Bahagya ng nagkaroon ng músika sa lansangan, ang sayang galawan sa mga kúsinàan ay hindi na námamalas sa lahat ng bahay at ang gayon ay sinapantaha ng bagong tao na alinsunod sa kasamaan ng panahon, ang asukal ay matumal, ang ani ng palay ay nasirà, nangamatay ang mahigit sa kalahati ng mga hayop at ang mga buwis ay tumátaás, nádadagdagán nang di maalaman kung bakit at anong dahil, samantalang naglalalò naman ang pamamasláng ng guardia sibil na siyáng pumapatay sa kasayahan ng mga bayan.

Itó pá naman ang kaniyang iniisip nang madingig ang isang ¡alto! na nagumugong. Kasalukuyang nagdáraán silá sa harapán ng kuartel at nápuna ng isang bantay na patay ang tanglaw ng kalesa at ang bagay na iyon ay hindi dapat manatili. Sunód-sunod na mura ang tinanggap ng kaawaawang kotsero na nagsabing ang kadahilanan noon ay ang kahabaan ng prusisión, at sa dahilang pipiitin at ilalathala sa mga pahayagan, sapagka't lumabag sa ipina-uutos ay lumunsád sa sasakyan ang ayaw ng basagulo at mahinahong si Basilio at ipinatuloy ang lakad na pasán ang kaniyang takbá.

Yaón ang San Diego, ang kaniyang bayan, na walâ man siya ni isang kamag-anak......

Ang tanging bahay na nákita niyang masaya ay ang kay kapitáng Basilio. Ang mga tandang at mga inahin ay nag. iiyukan, na sinasaliwán ng mga tunog ng wari nagtátadtád ng karné sa sangkalan at ng sagitsít ng mantikà sa kawali. May handa sa bahay at umaabot sa lansangan ang maminsan minsáng simoy na may halong amoy ng ginisá.

Sa entresuelo ay nakita ni Basilio si Sinang, na pandák ding gaya ng nakilala ng aming mangbabasa, kahit tumaba. at lalo pang bumilog sapol ng magka-asawa. At siya'y nápamangha nang makitang kausap ni kapitáng Basilio, ng Kura at ng alperes ng guardia sibil ang mag-aalahás na si Simoun na may salaming asúl sa matá at kilos nialayà ring gaya ng dati.