Jump to content

Page:Ang "Filibusterismo" - (karugtong ng Noli me tangere) (IA angfilibusterism00riza).pdf/52

From Wikisource
This page has been validated.


— 46 —


nang hindi maalaman kung bakit, marahil ay pinagkakamaláng siyá ang Bernardo del Carpio.

—Pag nakakalág na ang paang kanan—ang bulong ng kotsero na tinimpi ang isang buntónghiningá—ay ibibigay ko sa kaniya ang aking mga kabayo, paglilingkurán ko siya at magpapakamatay na ako ng dahil sa kaniyá.... liligtas niya kami sa mga guardia sibil.

At sinundan ng may hapis na tingin ang tatlong haring lumálayo na.

Sumusunod ang dalawang hanay na batang malulungkot, mga walang katawatawa, na waring pinilit lamang. Ang ilan ay may dalang huepe at ang ibá ay kandilà, at ang iba ay paról na papel na may tukod na kawayan, at nangagtitilian sa pagdarasal ng rosario, na, waring may kaaway. Sumusunod si San José na nasa marálitang andás, na ang anyo ay malungkot at pakumbaba at ang tungkód ay may bulaklak ng asusena, sa gitna ng dalawang guardia sibil na warì nakahuli sa kaniyá saká pá lamang nataho ng kotsero kung bakit gayón. ang anyo ng santó. Dahil sa siya'y nagulumihanan sa pagkakakita sa guardia sibil ó kaya'y dahil sa wala siyang paggalang sa santóng may gayóng kaakbay, ay hindi nagdasal ng kahit isáng requiem eternam man lamang. Sa likuran ng San José ay sumusunod ang mga batang babaing umiilaw na nangakatalukbóng ng panyông nakabuhól sa ilalim ng babà, nagdadasál din ng rosario, nguni't hindi lamang kasinglakás ng mga batang lalaki. Sa gitna'y ilán ang may hilahilang mumunting konehong papel, na ang buntót na papel ding ginupit ay nakataas at naiilawan ng isang munting kandilàng pulá. Dumádaló ang mga bata na dalá ang mga laruáng iyon upang sumayá ang prusisión. At ang mga hayúphayupang matataba't mabibilog na warì itlóg ay masasaya mandín kaya't nápa palundág, napapagiwang, nabubuwal at nasusunog; lalapitan ng may ari upang patayin ang lágabláb, hihip dito, hihip doon, mapapatay ang dingas sa kápapalò at kung minsan ay umiiyák, pag nakitang sirâsira ang laruan. Malungkot na nápupuná ně kotsero na umuunti sa taón taón ang lahi ng mga hayop na papel, na waring násasalot ding kagaya ng mga buháy na hayop. Naalaala niya, siya, ang binugbog na si Sinong, ang kaniyang dalawang magagandáng kabayo, na upang mailayô sa pagkakahawa sa sakit, ay pinaggugulan niya ng sampung