— 43 —
sirà ang kanyang mga daliri, upang makatulog sa kahi't saang
sulok at mágising nang walang patumanga?
Ang matanda'y walang humpay sa kaiiyák, sinasabisabing siya'y magbibigtí at magpapakamatay sa gutom.
—Kung áalís ka--ang sabi—ay babalík akó sa gubat at hindi na akó tútuntóng ng bayan.
Pinapayuhan siya ni Huli na kinakailangang makabalik ang amá, at pag nanalo ang usapin ay madali siyang matutubós sa pagkaalilà.
Dinaang malungkot ang gabing yaon; alin man sa dalawa ay hindi nakakain at ang matandâ'y nagmatigás na hindi humiga, at magdamag na naupo na lamang sa isáng sulok, walang imík, ni kakibôkibô, at hindi man kumikilos. Sa isang dako naman ay tinangka ni Huli ang matulog, nguni't malaong hindi nápikit ang mga matá. Nang mapayapa na dahil sa kapalaran ng magulang, ay ang kaniya namáng kalagayan ang inisip nguni't tinitimpi ang pag-iyak na walang humpay upang huwag madingig ng matanda. Sa kinabukasan ay alilà na siyá, at yaón pá namán ang araw na karaniwang idating ni Basilio na galing sa Maynila't may daláng handóg sa kanyá.... Dapat na niyáng limutin ang pag-irog na iyon; si Basilio, na di malalao't magiging manggagamot, ay hindi maaaring mag-asawa sa isang maralita.... At nakikinikinitá niyá na tumutungo sa simbahang kasama ng pinakamayaman at pinakamagandáng dalaga sa bayan, na kapuwa silá gayák na gayák, maliligaya at kapuwâ nangakangiti, samantalang siya, si Huli, ay susunódsunod sa kaniyang panginoon at ang dalá'y nobena, hitsó at durâan, Pagsapit sa dakong ito'y nakáramdám siya ng isang paghihigpit ng lalamunan, isang pataw na malaki sa pusò at hinihingi niya sa Birhen na mamatay na muna siyá bago mámalas ang gayón.
—Datapwa't—aniyá sa sariling budhi-málalaman niyá na pinili ko pá ang akó na ang másangla kay sa masanglá ang agnós na bigay niyá sa akin. Ang pagkukuròng ito'y nakapagpalubág ng kaunti sa kaniyang sama ng loob at nagpangarap na siyá ng sarisari. ¿Sino ang makapagsasabi? maaaring mangyari ang kababalagháng makakuha siya ng dalawáng daán at limang pung piso sa ilalim ng larawan ng Birhen; marami na siyáng nábasang