Jump to content

Page:Ang "Filibusterismo" - (karugtong ng Noli me tangere) (IA angfilibusterism00riza).pdf/46

From Wikisource
This page has been validated.


— 40 —


yang baril, nguni't nagpatuloy din sa kaniyang pagbabantay na ang dalá ay isang mahabang iták.

—Anó ang gagawin mo sa iták na iyán sa ang mga tulisan ay may baril?—ang sabi sa kaniyá ni matandang Selo.

—Kailangan kong bantayán ang aking mga pananím,—ang sagót;—ang bawa't isang tubó doon ay isang butó ng aking asawa.

Inalisán siyá ng iták dahil sa nápakahabà. Ang ginawa namán niya ay kinuha ang matandang palakol ng kaniyang amá at ipinatuloy ang kaniyang paglalakád na nakapanğingilabot.

Si matandang Selo at si Huli ay nangangambá sa tuwing áalís siyá ng bahay. Si Huli ay títindíg sa habihán, dudungaw, nagdádasal ng mga nobena. Ang matanda namán ay hindi mátumpák kung minsán sa pagyari ng buklód ng walís at nasasabisabing pagbabalikan ang gubat. Ang pamumuhay sa bahay na iyon ay napakahirap.

Nangyari din ang kinatatakutan. Sa dahilang ang bukid ay malayò sa pook ng mga bahay, kahi't na may palakól si kabisang Tales ay nabihag ng mga tulisán, na may mga rebolber at baril. Sinabi sa kaniya ng mga tulisán na yamang mayroon siyáng náibabayad sa mğa hukóm at tagatanggol-usap ay dapat din naman siyang magkaroon ng maibibigay sa mga náwawakawak sa kabuhayan at mga pinag-uusig. Dahil doon ay hiningán siyá ng limang daang pisong tubós sa pamag-itan ng isang tagabukid at pinatibayan pang pag may nangyari sa utusan ay itítimbang ang buhay ng dakíp. Dalawang araw ang ibinigay na taning.

Ikinasindák na lubha ng mag-anak ang balità at lalò pa mandíng naragdagan ang gayón, ng mabatid na lálabás ang Guardia sibil upang usigin ang mga tulisán. Kung magkátagpo at magkálabanán ay alám ng lahát. unang mapapatay ay ang dakip. Nang tanggapin ang balità'y hindi nakatinag ang matanda, at ang anak na babai, sa gitna ng pamumutlâ't pagkasindák, ay makailang nagnasàng manğusap, nguni't hindi nangyari. Datapwa'y isang hinalang lalong mabigat ang nakapagpabalík sa kanilang diwà. Ang sabi ng tagabukid na inutusan ng mga tulisán, ay marahil magsisilayo silá, kaya't kung maglulu-