— 37 —
hapon na hindi kumakain at hindi nátutulóg, at ang kaniyang pakikipagusap ay pawàng tungkol sa mga kasulatan,
pagharáp, paghahabol sa lalong may mataás na kapangyarihan, ibp. Noon nakita ang isang labanáng hindi pá námamasdán sa silong ng langit ng Pilipinas: ang sa isang marálitàng indio, mangmang at walang mga kaibigan, tiwalà
sa kaniyáng katwiran at sa kabutihan ng kaniyang pinaguusig, na nakikilaban sa isang malakás na "corporación" na
niyuyukuán ng kapangyarihan at sa harap niya'y binibitiwan
ng mga hukóm ang kanilang timbangan at isinusukò ang
kanilang tabák. Mapilit sa pakikitunggali na waring langgám na kumákagát, gayóng nakikilalang siya'y matitirís,
waring langaw na tinátanaw ang kalawakang walang hanggán
sa likod ng isang salamín. ¡Ah! Ang kasangkapang lupà,
sa pakikipaglaban sa mga caldero, ay may nakahahanğà ring
anyo, sa pagkadurog: taglay niya ang kaigtingán ng pagdumog ng walang pag-asa. Sa mga araw na hindi siya naglalakbay, ay dinadaán niya sa paglilibot sa kaniyang bukirin
na dalá ang isang baril, sinasabisabi niyang ang mga tulisan ay
nangloloob at nangangailangang magtanggol siyá upang huwag
mahulog sa kanilang mga kamay at matalo ang usap. At
waring pagsasanay sa pagtudla ay binabaril ang mga ibon
at mga bungang kahoy, bumabaril ng mga paróparó ng walâng kalihíslihís, kaya't ang tagapangasiwàng uldóg ay hindi
na nangahás na tumungo sa Sapang kung walang kasamang
mga guardia sibil, at ang palamon ng pari na nakakita sa
magandáng tíkas ni kabisang Tales na naglilibót sa kaniyang
bukirín na wari'y isang bantay, ay umayaw nang lipús ng
takot na kunin ang pag-aarì.
Datapwa'y hindi makapangahas na bigyan siyang katwiran ng mga hukóm pamayapà sa bayan at nang nasa cabecera, dahil sa natatakot maalis sa katungkulan, sapagka't nadadala na dahil sa isáng kaagad-agad ay inalís. At hindi namán masasama ang mga hukóm na iyón, pawang taong matatalino, matapát, mabubuting námamayán, maririlag na mga magulang, mabubuting anak... at nakatataya ng kalagayan ni Tales ng mabuti pa kay sa sariling may katawán. Marami sa kanila ang nakababatid ng mga sanhi at pangyayari nang pagkakaari, alám nilang ang mga prayle ay hindi dapat magkaroon ng mga pag-aaring lupà alinsunod sa kanilang mga