Jump to content

Page:Ang "Filibusterismo" - (karugtong ng Noli me tangere) (IA angfilibusterism00riza).pdf/293

From Wikisource
This page has been proofread.


― 287 ―


ha't marunong lumingap na mga kaanak ay gumawa ng lahat ng magagawa upang mailigtas ang binata; nguni't sa dahilang silang lahat ay hindi pa makabuo ng tatlong pung piso, ay si hermana Bali, gaya rin ng dati, ang siyang nagkaroon ng lalong mabuting akala.

―Ang dapat nating gawin ay ang huminging sangguni sa taga-sulat,―aniya.

Sa mga abang taong iyon, ang taga-sulat sa tribunal ay siyang oraculo sa Delfos ng matatandang griego.

―Bigyan lamang ng sikapat at saka isang tabako,―ang dugtong―ay sasabihin pa sa iyo ang lahat ng batas na magpapalaki ng ulo mo sa pagdingig sa kaniya. Pag mayroon kang piso at maililigtas ka kahi't nasa sa paanan ka ng bibitayan. Nang ipasok sa bilangguan ang kapitbahay kong si Simon at hinagupit ng palo, dahil sa hindi nakapagpahayag ng ukol sa isang nakawang nangyari sa malapit sa kaniyang bahay, aba isa halagang kahati't sikolo lamang at isang balukay na bawang, ay nakuha siya ng taga-sulat! At nakita ko si Simon na babahagya nang makalakad at nahigang isang buang mahigit. ¡Ay! nabulok ang pigi, aba ¡at namatay dahil doon!

Ang payo ni hermana Bali ay tinanggap at siya na ang nakipag-usap sa taga-sulat: binigyan siya ni Huli ng isang salapi at dinagdagan pa ng ilang putol na pindang na usa na nahuli ng lelong. Muli na namang inatupag ni tandang Selo ang pangangaso.

Nguni't walang magawa ang taga-sulat; ang bilanggo ay nasa Maynila at hindi umaabot doon ang kaniyang lakas.

―¡Kung nasa sa kabesera man lamang, mana pa!..―ang sabi na ipinagpaparangya ang kaniyang kaya.

Lubos na batid ng tagasulat na ang kaniyang lakas ay hindi lumalampas sa mga hanggahan ng Tiani, nguni't kailangan niya ang huwag masira ang pananalig sa kaniya at upang maiwan ang pindang na usa.

―Nguni't mabibigyan ko kayo ng isang mabuting payo, na dili iba kundi ang pumaroon kayong dalawa ni Huli sa Hukom pamayapa. Kailangang pumaroon si Huli.

Ang Hukom pamayapa ay isang taong pabugal-bugal, ngunit kung makikita si Huli marahil ay mapipigil ng kaunti ang dating ugali: naririto ang katalinuhan ng payo.