hay. At sa dahilang sinasabing ang pagkakabilanggong yaon ay alinsunod sa mga paghihiganti ng dahil sa kaniya at sa kaniyang ama, ang kalungkutan ng binibini ay naging isang paghihinagpis. Ngayon ay siya naman ang nararapat na magligtas, gaya ng ginawa ng lalaki ng siya'y alisin sa pagkaalila, at ang isang boses na lihim ang naguudyok sa kaniya ng gagawin at naghahain sa kaniyang pag-iisip ng isang kakilakilabot na paraan.
―¡Si P. Camorra, ang kura!―ang sabi ng boses.
Si Huli'y napapakagat labi at nahuhulog sa isang malamlam na pag-iisip.
Dahil sa pagkakasala ng kaniyang ama ay dinakip ang lelong, sa pag-asang sa gayong paraan ay lilitaw ang anak. Ang tanging nakapagbigay ng kalayaan ay si P. Camorra, at si P. Camorra ay nagpakilala ng di kasiyahang loob sa mga pasasalamat at sa pamag-itan ng kaniyang karaniwang ugaling tiyakan kung magsalita ay humingi ng mga paghahandog.... Mula noon ay iniwasan ni Huli ang siya'y makatagpo, nguni't pinahahalik siya ng kamay ng pari, hinihipo siya sa ilong, sa pisngi, binibiro siyang may mga kindat at tumatawa, tumatawang siya'y kinukurot. Si Huli ang sanhi ng pagkakabugbog ng mabuting kura sa ilang binata na naglilibot sa nayon at nananapatan sa mga dalaga. Ang mga mapaghinala, kung nakikita siyang nagdaraan na walang kaimik-imik at nakatungo, ay nagsasabing ipinadidingig sa kaniya:
―¡Kung iibigin, ay magtatamong kapatawaran si kabisang Tales!
Ang binibini'y dumarating na malungkot sa kaniyang bahay at susuling suling ang mata.
Malaki ang ipinagbago ni Huli; nawala ang kaniyang kasayahan, walang nakakitang siya'y ngumiti, bahagya ng magsalita at wari manding nangangambang malasin ang mukha niyang sarili. Minsan ay nakita siya sa bayan na may malaking guhit na uling sa noo, siya, na palaging maayos at mahusay ang gayak kung lumakad. Minsan ay itinanong kay hermana Bali kung natutungo sa impierno ang mga nagpapatiwakal.
―Walang sala!―ang tugon ng babai, at isinalaysay ang pook na iyon na waring siya'y galing doon.
Dahil sa pagkakabilanggo ni Basilio, ang mga duk-