hay ang babai―ang sabi ni hermana Penchang―ayokong makipagsira sa mga prayle, kaya't pinagmadali kong humanap ng salapi.
Ang katotohanan ay dinamdam niya ang pag-laya ni Huli; inaako siya ni Huli sa pagdadasal at pag-aayuno, at kung lumagi pa ng mahabahabang panahon ay marahil nagdigala ng dahil sa kaniya. ¿Bakit, kung ang mga kura ay nagdadasal ng patungkol sa atin at si Kristo ay namatay dahil sa ating mga kasalanan, bakit hindi makagagawa ng gayon din si Huli na patungkol kay hermana Penchang?
Nang ang balita'y nakasapit sa kubong tinitirahan ni Huli at nang kaniyang lelong, ay nangailangan ang dalaga na uliting makalawa ang balita. Tiningnan si hermana Bali, na siyang nagbabalita, na waring hindi maliwanagan ang sinasabi, hindi mapagtuwid ang kaniyang pagkukuro; naghumugong ang kaniyang mga tainga, nagkaramdam ng pagsisikip ng puso at nagtaglay ng isang kutob ng kalooban, na ang pangyayaring yaun ay makapagbibigay hapis sa kabuhayan niyang sasapitin. Gayon ma'y tinangkang manangan sa isang banaag ng pag-asa, ngumiti, inakalang binibiro siya ni hermana Bali ng isang masamang biro, nguni't di pa man ay ipinatatawad na niya kung sasabihing biro nga, nguni't pinagkurus ni hermana Bali ang kaniyang hinglalaki't hintuturo at hinagkan, sa katunayang totoo ang kaniyang sinasabi. Sa gayon ay nawala na ang ngiti sa labi ng dalaga, namutla, maputlang maputla, naramdamang nawalan siya ng lakas at, noon lamang nangyari sa boo niyang buhay, nawalan ng diwang tuminbuang.
Nang sa kahahampas, kakukurot, wisik ng tubig, mga krus at paglalagay ng mga palaspas na benendita ay pinagsaulan ang dalaga at napag-unawa ang kaniyang kalagayan ay piping bumalong sa kaniyang mga mata ang luha, sunod sunod ang patak, walang hibik, walang panaghoy, walang daing! Inaalaala niya si Basilio na walang ibang tagapag-ampon kung di si kapitang Tiago, at sa pagkamatay nito, ay lubos nang nawalan ng kandili at kalayaan. Batid nang sa Pilipinas ay kailangan ang ninong sa lahat ng bagay, mula sa araw na binibinyagan ang isang tao hanggang sa mamatay, sa pagtatamo ng katwiran, sa pagkuha ng isang katibayan sa paglalakbay o upang magawa ang isang paghahanap-bu-