na gaya sa mga tanging palabas dulaang ukol sa kapakinabangan ng isang tao. Yaon ang naging kaigáigaya: maraming kamanyang ang sinunog, maraming awit sa wikang latín, nag-aksaya ng maraming agua bendita: alangalang sa kaniyang kaibigan ay inawit ni P. Irene, sa coro, ang Dies iræ na ang boses ay pahumal; at sumakit ang ulo ng mga nalalapít dahil sa katutugtog ng plegaria.
Si aling Patrocino, ang dating katunggali ni kapitang Tiago sa pagkamasambahin, ay tunay na tunay na nagnasang mamatay naman sa kinabukasan upang makapagpagawa ng mga exequias na lalo pang malaki kay sa roon. Ang maawaing matanda'y hindi makatiis, na iyong inaakala niyang talong talo na niya ay magbangon ng boong karangalan, sa pagkamatay. Oo ninanasang mamatay siya at waring nadidingig na niya ang mga pabulalas ng mga taong nanonood ng responso, na nagsasabing:
-¡Ito ang libing! ganiyan ang marunong mamatay, aling Patrocinio.
Ang pagkamatay ni kapitang Tiago at ang pagkakahuli kay Basilio ay napag-alaman kaagad sa lalawigan, at alang-alang sa ikadadangal ng mga mapapayapang taga San Diego ay sasabihin naming dinamdam pa nang higit ang hulí at siya lamang halos ang napag-usapan. At gaya ng maaantay, ang balita'y nagkaroon ng iba't ibang ayos, may nagbigay ng mga pangyayaring malungkot, kakilakilabot, ipinaliwanag ang hindi nalilinawan, ang mga patlang ay pinunan ng mga hakahaka, ang mga ito'y naging parang tunay na nangyari at ang multong sumipot sa gayon ay nakatakot na, sampu sa mga tunay na may likha.
Sa bayan ng Tiani ay nabalita na batang bata na sa kaniya ang mapatapon at marahil ay patayin sa paglalakbay na tungo sa tatapunan. Ang mga matatakutín at mapaghinala ng masama ay hindi pa nasisiyahan gayon at pinag-uusapan ang mga bitayan at mga hukumang kawal; ang Enero ay isang masamang buan, Enero nang mangyari ang gulo sa Kabite, at ang mga taong iyon, gayong