ang mga manok ay pawang walang pagkamatay, kung hindi tatalaban ng iwa, at kung mangyari ang gayon, ay sino kaya ang magiging sentenciador, sino ang mananalo, at ibp., mga pagtatalong kinalulugdan ng mga nagtatatag ng karunungan, mga paghahaka, mga paraang nababatay sa isang aklat na inaakalang walang kamalian, na ipinahay ng Dios sa kaniyang kabig o nauukol sa batayang nagiging kautusan. Bumabanggit pa ng mga bahagi ng nobena, ng mga aklat na ukol sa mga kababalaghan, sabi ng mga kura, kalagayan ng langit at iba pang mga bagaybagay na ukol din doon. Si D. Primitivo, ang pilosopo, ay galak na galak sa pagtutukoy niya ng mga haka ng mga teologo.
―Sapagka't ang sinoman sa kanila'y hindi mangyayaring matatalo,―ang sabing may lubos na pagkataho;―ang pagkatalo'y nagbibigay ng sama ng loob at sa kalangitan ay hindi mangyayaring magkaroon ng samaan ng loob.
―Nguni't ang isa'y sapilitang mananalo,―ang pakli ng tahur na si Aristorenas,―ang inam ay nasa pananalo!
―Kapuwa mananalo!
Iyong kapuwa mananalo ay hindi matanggap ni Martin Aristorenas, siya, na ang boong buhay ay dinaan sa sabungan at kailan ma'y kaniyang nakita na ang isang manok ay nananalo at ang isa'y natatalo; kung baga man ay magtabla na lamang ang nangyayari. Walang nahita si D. Primitivo sa kalalatin, si Martin Aristorenas ay nag-iiiling, gayong ang latin ni D. Primitivo ay madaling mawatasan: sinasabi niyang: an gullus talisainus, acuto tari armaius, an gallus beati Petri bulikus sasabungus sit at ibp., hanggang sa ginamit na tuloy ang pangangatwiran nang marami kung ibig magpatigil at magpapanalig.
―Magkakasala ka, kaibigang Martin, mahuhulog ka sa isang erehis! Cave ne cadas! Hindi na ako makikipagmonte sa iyo! ¡Hindi na tayo magkakabakas! Hindi mo pinananaligan ang kapangyarihan ng Dios, peccatum mortale! Hindi mo pinaniniwalaan ang katunayan ng Santisima Trinidad: ang tatlo ay isa at ang isa ay tatlo! ¡Dahandahan ka! ¡Hindi mo pinaniniwalaan wari na ang dalawang katawan, dalawang pag-iisip at dalawang kalooban ay mangyayaring magkaroon ng iisang alaala lamang! ¡Dahandahan ka! Quicumque non crederit, anathema sit!