habang padrenuestro at mga requiem sa kaluluwa ng mga kamag-anak nila't kaibigan. Ika walo pa lamang ng gabi'y bahagya nang makakita ng mangisangisang naglalakad; maminsan minsan ay nakakadingig ng takbo ng isang kabayo na ang tagiliran ay napapalong malakas ng isang sable, pagkatapos ay pasuwit ng mga tanod, mga sasakyang matutulin ang takbo na waring hinahabol ng kawan ng mga pilibustero.
Gayon man, hindi sa lahat ng pook ay naghahari ang pangamba.
Sa plateriang tinitirahan ni Placido Penitente ay pinaguusapan din ang mga pangyayari at pinagtatalunan nang may kaunting laya.
―¡Hindi ako naniniwala sa mga paskin!―ang sabi ng isang manggagawang payat at tuyo na sa kagagamit ng tsukoy;―sa ganang akin, ay kagagawan iyan ni P. Salvi!
―¡Ehem, ehem!―ang ubo ng maestro platero na, sa pangingilag na panganlang duwag, ay hindi makapangabas na putlin ang pag-uusap. Ang kaawaawang tao'y nag-uuubo na lamang, kikindatan ang manggagawa at titingin sa daan, na waring ibig sabihin na: ―¡Baka tayo masubukan!
―¡Dahil sa opereta!―ang patuloy ng manggagawa.
―¡Oho,―ang bulalas ng isang mukhang tanga;―sinasabi ko na nga! Kaya't....
―¡Hm!―ang tugon ng isang tagasulat na may anyong pagkahabang,―ang ukol sa mga paskin ay totoo, Chichoy, nguni't ipaliliwanag ko sa iyo!
At idinugtong na ang tingig ay matalinghaga:
―¡Yaon ay isang kagagawan ni insik Quiroga!
―¡Ehem, ehem!―ang ulit na ubo ng maestro na inilipat sa kabilang pisngi ang sapa ng hitsong nasa bibig.
―¡Paniwalaan mo ako, Chichoy, kagagawan ni insik Quiroga iyan! Nadingig ko sa aking pinapasukan.
―¡Naku, siguro nga!―ang bulalas ng tanga, na agad nang naniwala.
―Si Quiroga―ang patuloy ng tagasulat,―ay may isang daang libong pisong pilak mehikano, sa bahia. ¿Papano ang pagpapasok? Hindi maliwanag; ginawa ang mga paskin, na sinamantala ang usap ng mga nag-aaral, at samantalang ang lahat ng tao'y nagugulo, ipum! pinadulasan ang mga kawani at nakaraan ang mga kaha!