Jump to content

Page:Ang "Filibusterismo" - (karugtong ng Noli me tangere) (IA angfilibusterism00riza).pdf/280

From Wikisource
This page has been validated.



— 274 —


ay nakaladkad niya at napaalis sa hibigan sa kaniyang pagtakas, at naiwan sa gitna ng silid.

Nang kinagabihan ay umabot na sa lalong sidhi ang katakutan. May ilang pangyayari na nag-udyok sa mga matatakutin sa paniniwalang mayroong mga sugong nanghahamon.

Dahil sa isang binyagan, ay naghagis ng kaunting kualta sa mga bata at sukat nang maasahan na nagkaroon ng kaunting kaguluhan sa pinto ng simbahan. Nataon namang naparaan doon ang isang mabalasik na militar, na may iniisip mandin, na inakalang ang kaguluhan ay isa nang pagsalakay ng mga pilibustero, kaya't piniyapis ng sable ang mga bata, pumasok sa simbahan, at kung hindi nagkasalasalabid sa tabing na nakasabit sa coro ay pinagpupugutan sana ng ulo ang lahat ng naroon. Makita ang gayon ng mga matatakutin at magpanakbuhang ipinamamalita na ang himagsikan ay magsisimula na, ay bagay na nangyari sa isang sandali. Daglidagling nagsarahan ang mga pinto ng mangilan-ngilang tindang naiiwang bukas, may mga insik na nakaiwan sa labas ng mga piesa ng kayo, at hindi kakaunting babai ang nawalan ng sinelas dahil sa pagtakbo sa mga lansangan. Salamat na lamang at iisa ang nasugatan at ilan ang nasaktan, na isa na nga sa kanila ang militar nang masubasob dahil sa pakikipagtunggali sa tabing na may amoy balabal ng pilibusterismo. Ang gayong kabayanihan ay nagbigay sa kaniya ng kabunyian, at isang kabunyiang malinis, na ihari na ngang ang lahat ng kabantugan ay makuha sa gayong paraan! ang mga ina'y hindi na lubhang iiyak at lalo pa sanang marami ang tao sa mundo!

Sa isang arrabal ay nakakita, ang mga naninirahan doon, ng dalawa kataong nagbabaon ng armas sa silong ng isang bahay na tabla. Nagulo ang nayon; tinangka ng mga naninirahan na habulin ang dalawang taong iyon na hindi kilala upang patayin at iharap sa mga may kapangyarihan, nguni't sinawata sila ng isang kapit-bahay at sinabing sukat na ang iharap sa tribunal ang sanhi ng kasalanan. Saka ang mga armas naman ay matatandang baril na tiyak na makasusugat sa magtangkang gumamit noon.

—¡Siya!—ang sabi ng isang matapang—kung ibig na tayo'y manghimagsik ay isulong!