sukat na iyon! Ang bayan ay napakamatakutin at ang lahat ay mangagsisipasok sa kanikanilang bahay.
—Huwag, huwag,—ang palagay ng isa,—ito ang panahong kapit upang pawiin ang kalaban; hindi sukat ang mangagsipasok sa kanilang pamamahay, kailangang palabasin, na gaya ng masasamang singaw, sa pamagitan ng mga parapit. Kung hindi mangakapangahas na gumawa ng gulo, ay dapat na sila'y udyukan sa tulong ng mga sugong hahamon.... Inaakala kong ang nararapat ay ihanda ang mga kawal at magkunwaring nagpapabaya at nagwawalang bahala, upang mangagsitapang at pangyayari ng anomang kaguluhan ay piyapisin na nang boong tindi!
—Ang layon ay siyang nagbibigay katuturan sa mga paraan,—ang sabi ng isa pa,-ang layon natin ay ang ating banal na Relihion at ang katibayan ng Inang bayan. Ihayag ang estado de sitio, at sa anomang munting kaguluhan ay paghulihin ang mga mayayaman at mga marurunong.... at linisin ang bayan!
—Kung hindi ako dumating sa panahon upang pagpayuhan ng pagdadahandahan—ang dungtong ni P. Irene, na ang hinarap ay si kapitang Tiago,—ay tiyak nang umaagos ngayon ang dugo sa mga lansangan. Ang naaalaala ko ay kayo, kapitan.... Ang pangkat ng mga masisidhi ay walang napalang gaano sa General, kaya't nanganghihinayang dahil sa pagkawala ni Simoun.... ¡Ah! kung hindi nagkasakit si Simoun....
Ang pagkahuli kay Basilio at ang paghalughog na ginawa pagkatapos sa kaniyang mga aklat at mga papel, ay nakapagpalubhang lalo kay kapitang Tiago. Ngayo'y dinagdagan pa ni P. Irene ang kaniyang sindak sa pagsasalaysay ng mga bagay na nakapangingilabot. Ang kahabaghabag ay pinasukan ng isang matinding pagkatakot na nahalata muna dahil sa isang mahinang panginginig, na untiunting lumalakas hanggang sa siya'y hindi na nakapangusap. Nangakadilat ang mga mata, pawisan ang noo, pumigil sa bisig ni P. Irene, nagtangkang bumangon; nguni't hindi mangyari at matapos na makaungol ng makalawa ay biglang bumagsak sa ibabaw ng unan. Nangakadilat ang mata ni kapitang Tiago at sumasago ang laway: patay na. Sa pagkasindak ni P. Irene ay tumakbo, nguni't sa dahilang kumapit sa kaniya ang patay