Jump to content

Page:Ang "Filibusterismo" - (karugtong ng Noli me tangere) (IA angfilibusterism00riza).pdf/278

From Wikisource
This page has been validated.



― 272 ―


ang mga bagay na iyon, kaya't tinungo ng insik si D. Custodio upang itanong kung nararapat o hindi nararapat balutihan ang kaniyang tindahan, nguni't si D. Custodio man ay ayaw ring tumanggap ng dalaw: kasalukuyang pinag-aaralan ang isang munakalang ukol sa pagtatanggol, sakaling siya'y makubkob ng kalaban. Naalaala si Ben-Zayb upang hingan ng balita: nguni't nang matagpuang nakabaluti mula sa ulo hanggang paa at dalawang rebolber ang ginagamit na pabigat sa mga papel ay dalidaling nagpaalam si Quiroga at umuwi sa kaniyang bahay, at nahigang dinahilan na masama daw ang kaniyang katawan.

Nang ika apat ng hapon ay hindi na mga paskin lamang ang sang-usap-usapan. Umalingawngaw na ang mga nag-aaral at ang mga taga bundok S. Mateo ay nangagkakaalam; pinatitibayang pinagsumpaanan sa isang magpapansit na biglang lulusubin ang Maynila; nabanggit ang mga pangdigmang dagat ng mga aleman, na nasa sa labas ng dagat Maynila, na tutulong sa kilusan; isang pulutong na kabinataan ang umano'y tumungo sa Malakanyang upang humandog sa General, na ang dinahilan ay ang pagtutol sa kagagawan at ang kanilang pagkamakakastila, nguni't ipinapiit na lahat sapagka't nakitang mga batbat ng sandata. Iniligtas ng kalawingi ang General, na pinigil na matanggap yaong mga batangbata pa'y taksil na, dahil sa noon ay nakikipag-usap sa mga Provincial, sa Vice Rector at kay P. Irene, na kinatawan ni P. Salvi. May katunayan ang mga alingawngaw na ito kung paniniwalaan nati si P. Irene, na dumalaw ng hapong iyon kay kapitang Tiago. Alinsunod sa kaniya, ay may mga taong nag-uudyok sa Capitan General na samantalahin ang pangyayaring yaon upang takutin at bigyan na ng isang mabuting aral ang mga binatang pilibustero.

―Barilin ang ilan―anang isa―mga dalawang pu't apat na makabago na ipadalang agad sa tatapunan at sa gitna ng katahimikan ng gabi, ay makaaapula na ng lubusan sa sigabo ng kalooban ng mga walang kasiyahang loob!

―Huwag,―ang tugon ng isang may mabuting puso,―sukat nang ang mga kawal ay palibutin sa mga lansangan, ang batallon ng mga kabayuhan sa halimbawa, na mga bunot ang sable; sukat nang kaladkarin ang ilang kanyon....