Jump to content

Page:Ang "Filibusterismo" - (karugtong ng Noli me tangere) (IA angfilibusterism00riza).pdf/28

From Wikisource
This page has been validated.


— 22 —

Nang mga sandaling iyon ay pumapanaog si Simoun, at ng makita ang dalawáng binatà ay:

— ¡Abá, Basilio, ang bating may kiyás mapag-ampón— Patungo bagá kayó sa pagpapahingá? Ang ginoo ba'y kababayan ninyo?

Ipinakilala ni Basilio si Isagani at ipina batid na hindi sila magkababayan, nguni't ang kanilang mga bayan ay magkakalapít. Si Isagani'y tagá kabilang baybayin.

Pinagmasdán ni Simoun si Isagani, kaya't ng mainíp itó'y hinarap na wari hinahamon ang nagmamasid sa kaniya.

— At ¿anó ang lagay nang lalawigan?-ang tanong ni Simoun na liningón si Basilio.

— ¿Bakit, hindi pa ba ninyó kilalá?

— ¿Papaano bang makikilala ko, sa hindi pa ako natutungtong sa lupà niya? May nagsabi sa aking napakamaralita't hindi bnmibili ng mga hiyás.

— Hindi kami bumíbilí, sapagka't hindi namin kailangan ―ang biglang sagot ni Isagani, na nagdamdám.

Isáng ngiti ang nabadhâ sa maputlâng mga pisngi ni Simoun.

— Huwag po kayong magalit, binatà,-ang sabi-wala akóng masamang tangká, nguni't sa dabiláng pinatibayan sa akin, na ang lahat ng curato ay nasa kamay ng mga klérigong taga rito, aní ko, ay: ang mga prayle ay nagpapakamatay sa isáng curato at pinasasalamatan na ng mga pransiskano yaong pinakamarálità, kaya't pag ganyang ipinauubayà nilá sa mga klérigo ay sa dahilang doon ay hindi kilala ang mukha ng hari. Siyá, mga ginoo, halina kayong magsiinóm ng serbesa, patungkol sa ikatitigháw ng Lalawigan!

Ang mga binatà'y nagpasalamat at nagsabing hindi silá umíinóm ng serbesa, upang makaiwas.

— Masama iyang ginagawa ninyó,-ang sabi ni Simoun na masama ang loob;-ang serbesa ay isang mabuting bagay, at nádingig kong sinabi kanginang umaga ni P. Camorra, na ang kakulangán sa lakás na nápupuná sa bayang ito, ay alinsunod sa napakaraming tubig na iniinóm ng mga tao rito.

Si Isagani na halos kasingtaas ng mag-aalahás, ay tumuwid:

— Sabihin ninyó kay P. Camorra,-ang sábi kaagad ni Basilio, na sinikong palihím si Isigani—sabihin ninyó sa