―Siya nga,―ang sabi ni Isagani na malungkot ang ngiti,―¡magpauna kami sa dahilang nasa dako namin ang kasiraan! Taho ninyong lubos kung ano ang maaantay ng isang tinuturuang humarap sa isang guro: kayo na, na taglay ang boong pag-ibig sa katwiran, ang boong kagandahang loob, ay nagkakahirap kayo sa pagpipigil ng tinuturan ko ang mapapait na katotohanan, ¡kayong kayo na, P. Fernandez! ¿Ano ang kabutihang napala ng nagnasang maghasik sa amin ng ibang pagkukuro? At ¿ano anong kasamaan ang dumagsa sa inyo dahil sa ninasang umugali ng mabuti at tumupad sa inyong kautangan?
―Ginoong Isagani,―ang sabi ng dominiko na iniabot sa kaniya ang kamay,―kahi't sa wari'y walang lubos na napala sa pag-uusap nating ito, gayon ma'y mayroon din tayong kaunting napulot; sasabihin ko sa aking mga kapatid ang inyong mga tinuran at inaantay kong kahi't kaunti ay may magagawa. Ang ipinanganganib ko lamang ay ang baka hindi mangagsipaniwalang may isang gaya ninyo.
―Iyan din ang pangamba ko,―ang tugon ni Isagani na kinamayan ang dominiko,―nanganganib akong baka ang aking mga kaibigan ay hindi maniwalang may isang gaya ninyo, kamukha ng pakikipagharapan ninyo sa akin ngayon.
At dahil sa ipinalagay na tapos na ang salitaan, ay nagpaalam ang binata.
Binuksan ni P. Fernandez ang pinto at sinundan siya ng tingin hanggang nakaliko sa corredor. Malaong pinakinggan ang tunog ng kaniyang yabag, pagkatapos ay pumasok sa silid at inantay na siya'y lumabas sa daan. Nakita nga niya at nadingig na sinasabi sa isang kasama, na nagtatanong kung saan paparoon, na:
―Sa Gobierno Civil! Titingnan ko ang mga paskin at makikisama ako sa iba!
Ang kasama ay sindak na napatingin sa kaniya, na waring nagmamalas sa isang magpapatiwakal, at lumayong tumatakbo.
―¡Kaawaawang binata!―ang bulong ni P. Fernandez, na naramdamang nangingilid ang luha sa kaniyang mga mata,―kinaiingitan ko ang mga hesuita na nagturo sa iyo!
Si P. Fernandez ay namaling lubos; galit kay Isagani ang mga hesuita, kaya't nang mabatid sa kinahapunan na napipiit ang binata, ay sinabi nilang sila'y madadamay.