Jump to content

Page:Ang "Filibusterismo" - (karugtong ng Noli me tangere) (IA angfilibusterism00riza).pdf/274

From Wikisource
This page has been proofread.


― 268 ―


ang tugon, na gayon din ang ayos ni Isagani, na pinakaharapharap ang dominiko.―Bukod sa katungkulan ng bawa't isa na hanapin ang kaniyang ikawawasto, ay may isang likas na nasa ang tao na patalasin ang kaniyang pag-iisip, pagnanasang lalong masidhi dito sa dahilang lubhang pinipigil; at ang nagbibigay ng kaniyang salapi at buhay sa pamahalaan ay may karapatang hingin dito na bigyan siya ng liwanag upang kitaing lalong mabuti ang kaniyang salapi at maingatang lalo ang kaniyang buhay. Opo, Padre; may bagay na pumipilit sa kanila, at ang bagay na iyan ay ang pamahalaan din, kayo ring kumukutyang walang habag sa indio na hindi nag-aral at ipinagkakait ang kanilang karapatan, sa pananangan sa sanhing sila'y mangmang. ¡Hinuhubaran ninyo sila at pagkatapos ay kinukutya ang kanilang ikahihiya!

Si P. Fernandez ay hindi sumagot: nagpatuloy sa pagyayao't dito, nguni't hindi mapalagay na waring nagugulumihanan.

―¡Sinasabi ninyong ang mga bukirin ay hindi natatamnan!―ang patuloy ni Isagani na iba na ang ayos, makaraan ang isang sandaling pnanahimik―huwag tayong pumasok ngayon sa pagsuri ng kadahilanan, sapagka't mapapalayo tayo sa pinag-uusapan; nguni't kayo P. Fernandez, kayo, guro, kayo, taong may karunungan, ibig ninyo ang isang bayan ng mga manananim, ng mga magsasaka! ¿Sa ganang inyo baga'y ang pagkamangsasaka na lamang ang kalagayang lalong wastong maaabot ng tao sa kaniyang pagsulong? ¿O ibig ninyong mapainyo ang karunungan at mapasa iba ang paggawa?

―Hindi, ibig kong ang karunungan ay taglayin noong dapat magtaglay, noong makapag-iingat sa kaniya,―ang sagot,―kapag nagpakita ang mga nag-aaral ng katibayan ng pag-ibig sa kaniya: kapag nagkaroon na ng mga binatang may pananalig, mga binatang marunong magtanggol sa kaniyang karangalan at maipagalang ito, ay magkakaroon ng karunungan, magkakaroon na ng mga gurong may paglingap! ¡Kung may mga gurong namamaslang ay sa dahilang may mga tinuturuang umaalinsunod!

―¡Kapag nagkaroon ng mga guro ay magkakaroon ng mga nag-aaral!

―Kayo ang magpauna sa pagbabagong ayos, sapagka't kayo ang nangangailangan ng pagbabago, at kami'y susunod.