Jump to content

Page:Ang "Filibusterismo" - (karugtong ng Noli me tangere) (IA angfilibusterism00riza).pdf/273

From Wikisource
This page has been proofread.


― 267 ―

―Hindi ako ang pamahalaan at hindi ko masasagutan ang kaniyang mga kilos. ¿Ano ang nasa ng mga nag-aaral na gawin namin, alang-alang sa kanila, sa loob ng hangganang aming kinalalagyan?

―Huwag humadlang sa kalayaan ng pag-aaral, kundi tumulong pa nga.

Iniling ng dominiko ang ulo.

―Kahi't hindi ko tuturan ang sarili kong pagkukuro, iyan ay paghiling sa aming kami'y magpatiwakal,―ang sabi.

―Hindi po, kung di bagkus na iba, iyan ay paghinging kami'y paraanin upang huwag kayong masagasa at madurog.

―¡Hm!―ang sabi ni P. Fernandez na huminto at nag-isip―Simulan ninyo sa paghingi ng bagay na hindi gayon kabigat, isang bagay na maaaring itulot ng bawa't isa sa amin na hindi ikasisira ng karangalan at mga karapatang taglay, sapagka't kung mangyayaring tayo'y magkalinaw at mamuhay ng payapa ¿ano't magkakagalit, ano't maghihinalaan?

―Kung gayon ay tutungo tayo sa pagtukoy sa mga kasanhian....

―Oo, sapagka't kung tatangkiin natin ang kinatitirikan ay maiguguho natin ang bahay.

―Tunguhin natin ang mga kasanhian kung gayon, iwan natin ang kinalalagyan ng mga batayan ng katwiran; at hindi rin sasabihin ang sarili kong pagkukuro―at dito'y idiniin ng binata ang salita―maghuhumpay ang mga nag-aaral sa kanilang inaayos at mapapawi ang ilang kapaitan kung ang mga nagtuturo ay matututong pagpakitaan sila ng mabuti kay sa ipinakikita hanggang sa ngayon.... Ito'y nasa sa inyong mga kamay.

―¿Ano?―ang tanong ng dominiko―¿mayroon bagang anomang daing sa aking inuugali ang mga nag-aaral?

―Padre, sa simula pa'y nagkasundo tayong hindi tutukuyin ni ako ni kayo. Nag-uusap tayo ng pangkalahatan: bukod sa walang napapala ang mga nag-aaral sa mga taong dinadaan sa mga klase, ay madalas pang iwan doon ang bahagi ng kanilang karangalan, kungdi man ang lahat.

Kinagat ni P. Fernandez ang kaniyang labi.

―Walang pumipilit sa kanilang mag-aral; ang mga bukirin ay hindi natatamnan―ang matigas na sagot.

―Oo, may bagay na pumipilit sa kanilang mag-aral,―