sundalo o ang alguasil na humuhuli sa kaniya at hindi ang hukom na nag-utos ng paghuli. Kayo at kami'y sumasayaw na lahat ng alinsunod sa lakad ng isang tugtugin: kung itinataas ninyo ang inyong mga paa ng sabay sa amin, ay huwag kami ang sisihin; ang tugtuging nagtatakda ng ating kilos. ¿Inaakala baga ninyong kaming mga prayle ay walang budhi at ayaw kami sa kabutihan? ¡Inaakala baga ninyong hindi namin kayo naaalaala, na hindi namin naaalaala ang aming kautangan, at kami'y kumakain lamang upang mabuhay at nabubuhay upang maghari? ¡Maanong magkagayon na nga! Nguni't, gaya rin ninyong kami'y sumusunod sa lakad ng tugtugin; kami'y pigipit na pigipit: o palayasin ninyo kami o kami'y palayasin ng pamahalaan. ¡Ang pamahalaan ay siyang nag-uutos, at sa nakapaguutos ay walang katwiran kundi ang sumunod!
―Sa bagay na iyan, kung gayon, ay makukuro―ang sabi ni Isagani na nakangiti ng malungkot,―na hangad ng pamahalaan ang aming ikasasama?
―¡Oh, hindi, hindi iyan ang ibig kong sabihin! Ibig kong sabihin, na may mga paniniwala, may mga palagay at mga kautusan na inilalagda ng mabuti ang layon nguni't mga kasakitsakit ang iniaanak. Ipaliliwanag kong lalong mabuti sa pagbanggit ng isang halimbawa. Upang pigilin ang isang munting kasamaan, ay naglalagda ng maraming kautusan na nagiging sanhi ng lalo pang maraming kasamaan: corruptisima in republica plurimæ leges, ang sabi ni Tacito. Upang iwasan ang isang pagdaraya, ay naglalagda ng isang angaw angaw at kalahati na kapasiyahang nagbabawal at nakadudusta, na ang iniaanak kaugad ay ang gisingin ang bayan upang iwasan at linlangin ang mga tinurang pagbabawal: upang gawing makasalanan ang isang bayan ay walang mabuting paraan na di gaya ng pag-alinlanganan ang kaniyang kabaitan. Lumagda ng isang kautusan, huwag na rito kundi sa España, at tingnan ninyo kundi pag-aaralan ang paraan ng paglinlang sa kaniya, ang gayo'y sapagka't nalimot ng mga gumagawa ng kautusan ang pagyayari na samantalang ipinagkakatagotago ang isang bagay ay lalo namang pinagnanasaang makita. ¿Bakit ang masamang gawa at katalasan ay inaaaring malaking sangkap ng bayang kastila gayong wala siyang makakapantay kung sa pagka-