Jump to content

Page:Ang "Filibusterismo" - (karugtong ng Noli me tangere) (IA angfilibusterism00riza).pdf/269

From Wikisource
This page has been proofread.


— 263 —


pagkatapos ay magdahilang sabihin na hindi nababagay na magkaroon ng mabuting katawan ang mga bilanggo, sapagka't ang mabuting katawan ay nagdudulot ng masasayang kaisipan, sa dahilang ang katuwaan ay nagpapabuti sa tao, at ang tao'y hindi dapat bumuti, sapagka't naaayon sa hangad ng nagpapakain ang magkaroon ng maraming nagkakasala? ¿Ano ang wiwikain natin kung ang pamahalaan at ang nagpapakain ay magkasundo na sa sikolo o labindalawang kualta na tinatanggap ng isa, sa bawa't isang may sala, ay tanggapin naman ng isa ang aliw?

Kinakagatkagat ni P. Fernandez ang kaniyang mga labi.

―Napakatinding sumbong iyan,―ang sabi,―at kayo'y lumalagpas sa hangganan ng ating kasunduan.

―Hindi, Padre: patuloy ako sa pagtukoy ng ukol sa pag-aaral. Ang mga prayle, at hindi ko sinasabing kayong mga prayle, sapagka't hindi ko kayo ibinibilang sa karamihan, ang mga prayle ng lahat ng orden ay naging pawang tagapagdulot ng aming ikatatalino, at sinasabi nila at inihahayag ng walang kahiyahiya, na hindi nararapat na kami'y dumunong, sapagka't balang araw ay hahangarin namin ang maging malaya! Ito'y kagaya noong ayaw palusugin ang katawan ng bilanggo upang huwag bumuti at makaalis sa bilangguan. Ang kalayaan, sa tao'y, kagaya ng ikatututo kung sa katalinuhan, at ang pag-ayaw ng prayle na kami'y tumalino ay siyang sanhi ng di namin kasiyahang loob!

―Ang karunungan ay ibinibigay lamang doon sa karapatdapat magtamo!―ang pakli ni P. Fernandez,―kung ipagkakaloob sa mga taong walang matibay na puso at mabuting asal ay hahalay lamang.

―At ¿bakit may mga taong walang matibay na puso at mabuting asal?

Kinibit ng dominiko ang kaniyang balikat.

―Mga kasiraang nasususo nang kasama ng gatas, na nalalangap sa loob ng lipi.... ¿ano ang malay ko?

―¡Ah hindi po, P. Fernandez!―ang biglang bulalas ng binata,―hindi ninyo sinuring mabuti ang bagay na pinag-uusapan, hindi ninyo ginawang tanawin ang kailalimilaliman dahil sa pangambang baka mamalas doon ang anino ng inyong mga kakapatid. Kayo ang may kagagawan ng aming anyo. Ang bayang sinisiil ay pinipilit na magtaglay ng ba-