―Gumaganap kami....
―¡Ah! P. Fernandez,―ang pakli ni Isagani;―kung itututop ninyo ang kamay sa inyong puso ay makasasagot kayong tumutupad, nguni't kung itututop ang kamay sa puso ng inyong kalipunan, sa ibabaw ng puso ng lahat nang mga kalipunang prayle, ay hindi ninyo masasabi ang gayon ng hindi masisinungalingan! ¡Ah, Padre Fernandez! kapag nahaharap ako sa isang taong aking minamamahal at iginagalang, ay ibig ko pa ang ako ang sisihin kay sa sumisi, ibig ko pa ang magsanggalang kay sa sumugat. Nguni't yamang pumasok na tayo sa pagpapaliwanagan ay magpatuloy na tayo hanggang sa wakas! ¿Papano ang ginagawang pagtupad sa kautangan ng mga nagsisiyasat ng pagtuturo sa mga bayan bayan? ¡Hinahadlangan! At ang mga tanging may hawak dito ng mga pagpapaaral, ang mga may ibig na mag-ayos ng png-iisip ng kabataan, na walang ibang makapanghimasok ¿papaano ang ginagawang pagtupad sa kanilang katungkulan? Inaawasan hanggang mangyayaring awasan ang mga pagkataho, pinapatay ang lahat ng sulak at sigabo, inaaba ang lahat ng karangalan, tanging nagpapakilos sa kaluluwa, at itinatanim sa amin ang matatandang pagkukuro, ang mga lipas na karunungan, ang mga maling batasan ng katwiran na di kaagpang ng pamumuhay sa pagsulong! ¡Ah! kung ang linalayon ay ang pagpapakain sa mga bilanggo, ang pagbibigay ng kakanin sa mga nagkasala, ay inilalagay ng pamahalaan sa subasta upang matagpuan ang makapagdudulot ng lalong mabuting pagkain, ang hindi papatay ng gutom sa kanila; kapag ang tinutungo ay ang palusugin ang pag-iisip ng isang boong bayanan, palusugin ang kabataan, ang bahaging lalong mabuti, ang sa huli'y magiging siyang bayan at siyang lahat, di lamang hindi inilalagay sa subasta ng pamahalaan, kung di pinalalagi ang kapangyarihan doon sa kalipunan na nagpaparangya ng pag-ayaw sa ikatututo, ng pag-ayaw sa anomang pagkakasulong. ¿Ano ang wiwikain natin kung ang nagdadala ng pagkain sa mga bilangguan, matapos na makuha sa pailalim na paraan ang kasunduang pagpapakain, ay bayaang manglambot ang kaniyang mga bilanggo sa kakulangan sa dugo, dahil sa ang ibinibigay na pagkain ay lahat noong lipas at laos, at