na ako'y inyong guro; ako'y isang prayle at kayo'y isang nag-aaral na pilipino; walang labis, walang kulang! at ngayon ay itatanong ko sa inyo: ¿ano ang nasa sa amin ng mga nag-aaral na pilipino?
Dumating na pabigla ang katanungan: si Isagani ay hindi handa. Iyon ay isang ulos na biglang lumusot samantalang nagmumuog, gaya ng tawag sa esgrima. Sa kabiglaanang iyon, si Isagani, ay tumugon ng isang matinding salag na waring isang baguhang nagsanggalang:
―¡Na kayo'y mangagsitupad sa inyong kautangan!―aniya.
Si pray Fernandez ay umunat: naging wari'y putok ng kanyon, sa ganang kaniya, ang kasagutan.
―¡Na kami'y tumupad sa aming kautangan!―ang ulit na nagpakaunat-unat,―kung gayo'y ¿hindi kami tumutupad sa aming kautangan? ¿anong mga kautangan ang itinutungkol ninyo sa amin?
―Yaon ding malayang iniatang sa sarili ninyo ng kayo'y pumasok sa kalipunan, at yaong pagkatapos, nang nasa sa loob na kayo, ay ninasang taglayin! Nguni't sa aking pagkanag-aaral na pilipino, ay hindi ko inaakalang ako'y may karapatang sumuri ng inyong inaasal sang-ayon sa inyong mga palatuntunan, sa katolisismo, sa pamahalaan, sa bayang pilipino at sa boong sangkatauhan; mga bagay iyang dapat ninyong linawin sa mga tagapagtatag ninyo, sa Papa, sa pamahalaan, sa boong bayan o sa Dios: sa aking pagkanag-aaral na pilipino, ay ang kautangan lamang ninyo sa amin ang tangi kong tutukuyin. Ang mga prayle, ang kalahatan, sa pagiging tagasiyayat ng pagtuturo sa bayan bayan, sa mga lalawigan, at ang mga dominiko, sa ganang kanila, sa paglilikom sa kanilang mga kamay ng mga pag-aaral ng kabinataang pilipino, ay tumanggap ng katungkulan, sa harap ng walong angaw-angaw na mamamayan, sa harap ng España at sa harap ng sangkatauhan na ating kinasasamahan, na pabutihin sa tuwituwi na ang batang binhi, sa ugali at pangangatawan, upang ilandas siya sa kaniyang kaligayahan, lumikha ng isang bayang marangal, malusog, matalino, mabait, marilag at matapat. At ngayo'y ako naman ang magtatanong;' ¿tumupad baga ang mga prayle sa kanilang katungkulan?