Jump to content

Page:Ang "Filibusterismo" - (karugtong ng Noli me tangere) (IA angfilibusterism00riza).pdf/266

From Wikisource
This page has been proofread.


— 260 —


sinasabi kapag nahaharap sa isang prayle.... ni masabi man lamang ng malakas sa harap ng marami.... May mga binatang inuupasalaan kami sa likod at hinahagkan ang aming mga kamay kung kaharap at sa tulong ng ngiting bulisik ay nanananghod ng aming sulyap! ¡Puf! ¿Ano ang ibig ninyong gawin namin sa mga ganiyang tao?

―Hindi nila sarili ang kasalanan, Padre,―ang sagot ni Isagani,―ang kasalanan ay nasa sa mga nagturo sa kanila ng pagbabalatkayong ugali, nasa mga sumisiil sa malayang kaisipan, sa malayang pangungusap. Dito, ang lahat ng pagkukurong sarili, ang anomang salita na hindi kasang-ayon ng nasa ng nakapangyayari, ay ipinalalagay na pagkapilibustero, at alam ninyong maigi ang kahulugan ng salitang ito: ¡Baliw ang sa pagnanasang masabi lamang na malakas ang iniisip ay hahanda sa pagtitiis ng mga pag-uusig!

―¿Ano ang mga pag-uusig na inyong tinitiis?―ang tanong ni P. Fernandez na itinaas ang ulo,―¿hindi ko kayo binayaang mangusap ng malaya sa aking klase? Nguni't gayon man, kayo'y isang maitatangi, na, kung tunay ang sinasabi, ay dapat kong ituwid, upang mapalaganap ang kaugalian, kung mangyayari, upang maiwasan ang masamang halimbawa!

Ngumiti si Isagani.

―Pinasasalamatan ko kayo at hindi ko ipakikipagtalo kung ako'y natatangi o hindi; tatanggapin ko ang katangian upang tanggapin naman ninyo ang aking sasabihin; kayo man ay tangi rin; at sa dahilang dito'y hindi natin pag-uusapan ang mga pagkakatangi, ni ang pagpaparangya ng ating mga pagkatao, sa ganang akin ay gayon ang aking akala, ay ipinamamanhik ko sa aking ketedratiko na mangyaring baguhin ang lakad ng salitaan.

Ka i't na may pagkukurong malaya ay napataas ang ulo ni P. Fernandez at tinitigang lipos pagkakamangha si Isagani. Ang binatang iyon ay may mahigit pang pagkamalaya kay sa inakala niya; kahi't tinawag siyang katedratiko, kung tatayahin, ay inaari siyang kapantay, dahil sa nangahas magmungkahi. Dahil sa mabuting magparaan sa pakipag-usap, ay hindi lamang tinanggap ni P. Fernandez ang pangyayari, kun di siya na ang nagbukas.

―¡Mabuti!―ang sabi,―nguni't huwag ninyong ipalagay