Jump to content

Page:Ang "Filibusterismo" - (karugtong ng Noli me tangere) (IA angfilibusterism00riza).pdf/265

From Wikisource
This page has been proofread.


— 259 —


makausap. Kailan man ay kinalugdan ko ang mga binatang nagpapahayag ng maliwanag at mayroong kaniyang sariling paghuhulo at pagkilos; walang kailangan sa akin na ang kanilang pagkakuro ay maiba sa pagkukuro ko. Alinsunod sa aking nadingig, ay nagkaroon kayo kagabi ng isang hapunan, huwag kayong magdahilan....

―¡Sa hindi naman ako nagdadahilan!―ang putol ni Isagani.

―Lalong mabuti, iyan ay nagpapakilalang inyong pinangangatawanan ang magiging bunga ng inyong ginawa. Sa isang dako ay masama pa ang kayo'y tumakwil; hindi ko kayo sinisisi, hindi ko pinupuna ang mga pinagsabi doon kagabi; hindi ko kayo binibigyang sala, sapagka't may kalayaan kayong magsabi ng bawa't maisip na laban sa mga dominiko; kayo'y hindi sa amin aral; ng taong ito lamang nagkaroon kami ng lugod na mapatungo kayo rito sa amin at marahil ay hindi na kayo mapasok na muli pa. Huwag ninyong akalain na tutukoy ako ng ukol sa utang na loob, hindi; hindi ko aaksayahin ang aking panahon sa mga bagay na walang kabuluhan. Ipinatawag ko kayo, sapagka't inakala kong kayo'y isa sa mga kakaunting nag-aaral na kumikilos ng dahil sa sariling pananalig, at sa dahilang kinalulugdan ko ang mga taong may lubos na pananalig, aniko sa sarili ay, makikipaglinawan ako kay ginoong Isagani.

Si P. Fernandez ay humintong sandali at ipinatuloy ang kaniyang pagpapayao't dito na nakatungo at nakatingin sa dakong ibaba,

―Kayo'y makauupo kung ibig ninyo,―ang patuloy;―may ugali akong lumalakad ay nagsasalita, sapagka't sa gayon ay lalong natutumpak ang aking mga pagkukuro.

Si Isagani'y nagpatuloy na nakatayo, mataas ang ulo, at inaantay na tiyakin ng katedratiko ang salitaan.

―Mahigit nang walong taong na ako'y nagtuturo,―ang patuloy ni P. Fernandez na palakadlakad―at nakilala ko't nakasalamuha ang mahigit sa dalawang libo at limang daang binata; tinuruan ko sila, pinunyagi ko ang mapadunong, inaralan ko ng pagtataglay ng katwiran, ng karangalan, nguni't gayon man, sa panahong ito na lubhang marami ang inilalait sa amin, ay wala akong nakitang isa man na nagkaroon ng kapangahasang pagmatigasan ang kaniyang mga