Jump to content

Page:Ang "Filibusterismo" - (karugtong ng Noli me tangere) (IA angfilibusterism00riza).pdf/233

From Wikisource
This page has been proofread.


— 227 —

-¡Walang pinag-ibhán sa pamahalaan!

—Kagabí—ang patuloy ni Basilio na nagbibinġibingihan― ay nagbangon at hiningi ang kaniyang manók, ang kaniyang manók na may tatlong taong patay na, napilitan akóng bigyan siya ng isang inahíu, at ng magkágayon ay pinaka- puripuri ako't pinangakuan ng libolibo....

Nang mga sandaling iyon ay tumugtog ang isang orasán' ng ikasampu't kalahati.

Si Simoun ay kinilabutan at pinigil ang binatà sa isáng kilos.

-Basilio ang marahang sabi-pakinggán ninyo akóng mabuti, sapagka't ang mga sandaling ito'y lubhang mahalaga. Nakikita kong hindi man ninyó binuksan ang mga aklát na ipinadalá ko; walâ kayóng paglingap sa inyóng bayan....

Ang binatà'y nagtangkang mangatwiran.

-¡Hindi na kailangan!-ang matigás na patuloy ni Simoun-Sa loob ng isang oras ay susulák ang himagsikan sa isáng hudyát kó, at bukas ay wala na ang pag-aaral, wala nang Universidad, wala kundi labanán at patayan. Inihandâ ko na ang lahat at hindi mahahadlangán ang aking tagumpay. Kapag kami'y nanaíg, lahát niyong makatutulong sa amin at hindi kumilos, ay aariing kalaban. ¡Basilio naparito akó upang ialók sa inyó ang inyong kamatayan ó ang inyong tútunguhing kinabukasan!....

- Ang aking kamatayan ó ang aking kinabukasan!--ang ulit na wari'y walang nalilinawan.

-Sa piling ng pamahalaan ó sa piling namin ang sabi ni Simoun sa mga sumisiil ó sa inyóng bayan. ¡Magpasiya kayó sapagka't tumátakbó ang panahón! ¡Naparito akó upang kayo'y iligtás alang-alang sa mga alaalang nagtali sa atin!

-Sa mga mániniil ó sa aking bayan!-ang marahang ulit. Ang binatà'y litó; tinitingnán ang manghihiyas ng matang kinalalarawanan ng pagkasindák, naramdamang ang kaniyang mga paa't kamay ay nanglálamíg at libo-libong nagkakasalimuut na pagkukuro ang nagdáraán sa kaniyang pag-iisip; nakikitang ang mga lansangan ay nagdadanak sa dugô, nádidingig ang putukan, nápapagitna siya sa mga patay at sugatán at ikatangi ta- nging lakás ng hilig! nakikita niyang siyá, na suót ang damit sa paggawâ, ay nagpúputól ng mga hità't nag-áalís ng mga punlô.