Patangong sumagot ng oo si Juanito na hindi mápalagay at nagugulumihanan.
-¿Kung gayon ay ang mga dalagang iyán ang mga cochers?
Isáng nápakalakás na ubó ang sumagi kay Juanito na nakayamót tuloy sa ilang nanonoód.
-Lumayag iyán! lumayas ang natútuyô!-ang sigaw ng isáng boses.
¿Natutuyo? ¿Tawagin siyáng natútuyo sa haráp ni Paulita? Ibig makita ni Juanito ang may masamang dilà upang ipalamon dito ang pagkatuyo. At nang makitang humáhadlang ang mga babai ay lalòng tumapang at lumaki ang loob. Salamat na lamang at si D. Custodio ang siyang nagsabi ng taglay na sakit at sa pangingilag na mápuna ay nagwawalang bahalàng wari'y isinusulat ang pagtuligsa sa dulâ.
-¡Kundi lamang kasama ko kayó!-ang sabi ni Juanito na pinagalaw ang mga matá na gaya ng ilang manikà na nagpapagalaw sa pabató ng mga orasán. At upang lalo pang máhawig ay manakânakáng inilalawit ang kaniyang dilà.
Nang gabing yaón ay naging matapang at mapuri siya sa matá ni aling Victorina kaya't ipinasiya na nitó sa loob ng kaniyang dibdib na pakasal sa kaniyá pagkamatay na pagkamatay ni D. Tiburcio.
Si Paulita ay unti unting lalong nalulungkot dahil sa pag-iisip na kung bakit ang mga babaing iyon na tinatawag na cochers ay nakaaakit kay Isagani. Ang salitang cochers ay nagpapaalaala sa kaniya ng ilang bangít na ginagamit ng mga kolehiala upang ipahiwatig ang isang wari'y damdamin kung silásila ang nag-uusap.
Natapos din ang unang bahagi at dinalá ng markés na parang alilà si Serpolette at si Germaine, ang nagtataglay ng anyong mahinhin ng samahan, at pinakakotsero ang hangal na si Grenicheux. Isáng matunog na pagakpakan ang nag- pabalík na mangagkakawit sa kamay, sa mga artista, na may mga ilang sandali pa lamang ang kararaan na nangaghahabulán. at nangag-aaway; nangagsisiyuko sa lahát ng dako ng mai- rugíng nanonood na taga Maynilà at ang mga babai'y nakipag- tapunán ng titig sa ilang nanonood na lalaki.
Samantalang naghahari ang kaguluhan na gawa ng