lagay siya ng lahát na wari'y tagapamalità sa mga pahayagan, at tunay nga namang ang kaniyang matáng malalakí't abuhín, na malamlám at waring mapagnilay kung tumingin, ay naroon saan ma't may bagay na maibabalità. Ang kaniyang kabuhayan ay hindi batid ng marami; walâng nakaaalám kung saan siyá kumakain at natutulog: marahil ay mayroon siyang isang bariles saan mang pook.
Nang mga sandaling iyon ay hindi taglay ni Camaroncocido ang dati niyáng anyông matigas at walang bahalà: isang wari'y masayang pagkaawà ang nananaw sa kaniyang paningin. Isang munting lalaki, isáng mababang matanda ang masayang sumagupà sa kaniya.
—Kaibigaaaan!—ang sabi, na paós ang boses na wari'y sa palaka, at ipinakikita ang ilang pisong mehikano.
Nákita ni Camaroncocido ang mga mamiso, at kinibít ang balikat. Ano ang mayroon sa kaniya noon?
Ang matandâ'y isang mainam na kaibayó niya. Maliit, lubhang maliit, natataklubán ang ulo ng isang sambalilong de copa na naging isáng uod na may balahibo, at napapaloob sa isang maluwang na lebita, lubhang maluwang at napakahaba hanggang sa mápantay sa isáng salawál na nápakaikli na hindi lumalampás sa binti. Ang kaniyang katawan ay waring siyang lelong at ang mga paa'y siyang apó, samantalang ang kaniyang mga sapatos ay naglalayág mandín sa katihan—iyaón ay dalawáng malalaking sapatos marinero na tumututol ng laban sa uod na may balahibo na nasa kaniyang ulo na gaya ng matinding tutol ng isang kombento na nasa píling ng isáng Exposición Universal! Si Camaroncocido ay sagà, ang matandâ'y kayumanggi; yaón ay walang buhok sa mukha kahi't lahing kastilà, ang indio ay may patilla at bigoteng mapuputi, mahahabà't madalang. Ang paningin ay malikót. Kung tawagin siya'y Tio Kikò, at, gaya ng kaniyang kaibigan ay nabubuhay din siya sa pamamahayag: siyá ang nagpapatawag ng mga palabás at nagdidikít ng mga kartel ng mga dulàan. Siya marahil ang tanging pilipino na kahi't naka chistera at lebita ay nakapag-lalakád nang hindi ginágambalà, gaya rin namán ng kaniyang kaibigan na siya ang tanging kastilà na nagtátawa sa karangalan ng lahi.
—Binigyan akó ng malaking pabuyà ng pransés—ang sabing nakangiti at ipinatanaw ang kaniyang gilagid na wari'y isang