Jump to content

Page:Ang "Filibusterismo" - (karugtong ng Noli me tangere) (IA angfilibusterism00riza).pdf/198

From Wikisource
This page has been proofread.


— 192 —


mali ng Papa, at kung nagsisimbá, ay nagsisimbá sa ika sampû ng umaga ó sa lalong maikling misa, sa misa ng tropa. Kahit sa Madrid ay nagsalita siya ng laban sa mga pari, na ipinalalagay niyang lipás na sa kapanahunan, upang huwag mátiwali sa kaniyang kinagigitnâán, nagsalita ng mga paglait sa Inquisición at nagsasalaysay ng gayón ó ganitong kabuhayang malaswâ ó palibák na kinalalahukán ng mga hábito, ó, sa lalòng tiyakan, mga prayleng walang hábito, gayón man, pagsasalita ng ukol sa Pilipinas, na dapat pamahalaan ng alinsunod sa mga tanging batás, ay umuubó, titingin ng isang titig na may kahulugán, uulitin ang paglalahad ng kamay na kasingpantáy ng taas na matalinghagà.

—Ang mga prayle ay kailangan, sila'y isang bagay na masama, nguni't kailangan—ang sabi.

At nagagalit pag ang isang indio ay nangahás na mag- alinlangan sa mga kababalaghán ó hindi naniniwala sa Papa. Ang lahat ng pahirap ng Inquisición ay hindi sapat na parusa sa kapangahasang iyon.

Kung ikinakatwiran sa kaniyá na ang panggagagá ó ang mabuhay na sinasamantala ang kamangmangán ay may ibá pang tawag na masamang dinggin at pináparusahan kapag ang nagkakasala ay nag-iisá, ay lumúlusót namán siya sa paraang pagtukoy sa ibang bayang sakóp.

—Kami—ang sabi, na ang boses ay ang ginagamit sa mga seremonia—kami'y makapagmámalakí! Hindi kami kagaya ng mga inglés at mga holandés, na upang mapanatili sa pag-alinsunod ang mga bayan ay gumagamit ng pamalò.... ang aming ginagamit ay ibang paraan na lubhang malumanay, lubhang matibay; ang malunas na tulong ng mga prayle ay higit sa pamalòng inglés......

Ang sabi niyang ito'y lumaganap at sa mahabang panahó'y binanggit banggit ni Ben Zayb at gayón din ng boông Maynilà; pinakapuripuri ng Maynilang naghuhulò, Ang salita ay nakaabót sa Madrid, at binanggit sa Parlamento, na parang sabi ng isang labusaw na may mahabang paninirahan at ibp., at sa dahiláng naging karangalan ng mga prayle ang gayong paghahawig ay hinandugán siya ng iláng arrobang sikulate, bagay na ipinabalík ng di malamuyot na si D. Custodio, na, sa dahilang ito'y ipinantáy namán ni BenZayb ang taglay na kabaitan sa kabaitan ni Epaminondas. Dá-