Jump to content

Page:Ang "Filibusterismo" - (karugtong ng Noli me tangere) (IA angfilibusterism00riza).pdf/196

From Wikisource
This page has been proofread.


― 190 ―


nákikita sa mga baháy-baháy; siya, ang dahil sa mga kasawiáng nangyayari sa mga sasakyáng dádalawa ang gulóng, at upang maiwasan, ay ipinalagay na magtaglay ng tatló man lamang; siya rin naman, ang samantalang gumaganap sa pagka pangalawang pangulo ng Junta de Sanidad ay nakaisip na wiligán ng panglinis ang lahat ng bagay, sampû ng mga balítàng pahatid kawad na galing sa mga bayang may sakit na nakahahawa; siya rin ang, sa pagkahabag sa mga presídiario na nangagsisigawa sa init ng araw at sa pagnanasàng makapagtipíd ang Pamahalaan sa paggugol sa mga kasuotan noon, ay ipinalagay na suotan na lamang ng isang babág at pagawin sa gabi at huwag sa umaga. Nahahanĝà at namumuhi, na, ang kaniyang mga palagay ay makatagpo ng humahadláng: nguni't kinakalamay ang sarili pag naiisip na ang taong may halagá, ay sadyang may kalaban, at naghihigantí namán siya sa paraang pagtuligsa at pagpapawalang kabuluhan sa lahát ng panukalà, maging masamâ ó maging mabuti, na iharáp ng ibá.

Sapagka't ipinagmamalaki ang kaniyang pagkalabusáw, kailan ma't mátatanóng siya kung ano ang palagay sa mğa indio ay karaniwang isagót na, nararapat sa mga gawain sa kamáy at mga artes imitativas (ang ibig sabihin ay músika, pintura at eskultura), at idinádagdag ang kaniyang matandang pabuntót, na, upang makilala silá'y kailangang bumilang ng maraming maraming taong pamumuhay sa lupaing yaón. Gayón man, kung nakadidingig na may nápapabantóg sa anomán na hindi dahil sa mga gawain sa kamáy ó arte imitativa, sa kímika, sa medisina ó pilosopia, sa halimbawà, ay sinasabi niyáng: ¡Psh! maaari... ¡hindi tangá! at sinasapantaha niya na ang indiong iyon ay may maraming dugông kastilà sa ugát; at kung hindi niya makitaan kabi't na magpilit ay humahanap namán ng isang pinanggalingang hapón: noon ay nagsisimula ang gawi na iukol sa mga hapón at sa mga árabe ang anománg mabuting bagay na taglay ng pilipino. Sa kay D. Custodio, ang kundiman, ang balitaw, ang kumintáng ay mga tugtuging árabe, gaya rin naman ng mga titik sa pagsulat ng matatandang pilipino, at sa bagay na ito'y wala siyang pag- aalinlangan, kahi't hindi niya kilala ang árabe, ni hindi man siya nakakita ng katitikang pilipino.