Jump to content

Page:Ang "Filibusterismo" - (karugtong ng Noli me tangere) (IA angfilibusterism00riza).pdf/192

From Wikisource
This page has been proofread.


— 186 —


at sa tulong ng salapi ng kaniyang asawa ay nangalakal at tumanggap ng anománg pagawa ng Pamahalaan at ng Ayuntamiento, kaya't ginawa tuloy siyang konsehal, pagkatapos ay alkalde, kagawad ng Sociedad Económica de Amigos del País, kasanggunì ng Pangasiwaan, Pangulo ng Lupong Nangangasiwà sa Obras Pias, kagawad sa Lupong ng Kawanggawâ, conciliario ng Banco Español Filipino, at iba't iba pa. At huwag akalaing ang iba't iba pang ito ay kagaya ng karaniwang inilalagay matapos na mabanggit ang isang mahabàng tala ng mga kabunyián: si D. Custodio, kahi't hindi nakátungháy kailan man ng anománg aklát na ukol sa Higiene, ay nakasapit hanggang sa pagiging pangalawang panĝulo ng Junta de Sanidad sa Maynila, kahit tunay din namán na walóng bumubuo ng Lupon ay isá lamang ang kailangang maging manggagamot at ang isang ito'y hindi mangyayaring maging siyá. Gayon di'y naging kagawad ng Junta Central sa pagbabakuna, na binubuo ng tatlong manggagamot at pitong walang pagkabatid sa bagay na iyon, na sa mga ito'y isa ang arsobispo at ang tatló'y mga provincial: nákakapatid sa mga cofradía at archicofradía, at, gaya ng naunawa na natin, ay kagawad na magpapalagay sa Kataastaasang Lupon ng Paaralang bayan na hindi laging kumikilos, mğa sanhing higit na sa kailangan upang balutin siya ng mga pamahayagan ng mga palayaw, kailan ma't naglalakbay ó nagbábahín.

Kahit na may maraming tungkulin, si D. Custodio, ay hindi kabilang ng mga natutulog sa mga pagpupulong at nasisiyahan nang kagaya ng mga kinatawáng kimi at tamád na makikiboto na lamang sa lalong marami. Hindi kagaya ng maraming hari sa Europa na nagtataglay ng kabunyiang hari sa Jerusalém, pinaghahari ni D. Custodio ang kaniyang kalagayan at sinasamantalá ang lahat ng mapapakinabang dito, ikinúkunót na mabuti ang kilay, pinalálaki ang boses, umuubó sa pagsasalita at madalás na siyá na lamang ang umuubos ng isang pagpupulong dahil sa pagsasalaysáy ng isáng kabuhayan, paghaharap ng isang panukalà ó paglaban sa isang kasama na nákainipán niyá. Kahit hindi na siyá lumálampás sa apat na pung taon ay nagsasalita na noong dapat dáw magdahandahan sa paggawa ng anomán, na iwan munang mahinóg ang bubót na bunga ng hi-