sumulat at tumugtog ng biolin, mga bagay bagay na pawàng malayong makapag-bigáy kay D. Custodio ng isáng hakàng makapagliligtas.
Makaraan ang dalawang araw ng pangyayari sa periya sa Kiyapò, ay gumagawa. si D. Custodio, na gaya ng dati, na pinag-aaralan ang mga kasulatan na hindi mátagpo ang kailangang panglutás. Datapwa'y samantalang naghihikáb, umuubó, humihitit ng tabako at inaalaala ang mga ikot at mga hità ni Pepáy, ay babanggitin namin ang ilang bagay ng mataas na taong itó, upang makilala ang katwiran kung bakit siyá ang ipinalagay ni P. Sibyla na lumutas ng matiník na salitâán at kung bakit tinanggap namán ng kabilang pangkát.
Si D. Custodio de Salazar y Sanchez de Monteredondo (p.) Buenatinta ay nalalahók diyán sa bahagi ng sosyedad sa Maynilà na hindi nakakikilos ng isáng hakbang na hindi sinasabitan sa likod at haráp ng mga pamahayagan ng libo libong banság at tinatawag siyang walang kapaguran, bantóg, maingat, masipag. malirip, matalino, bihasa, mayaman, ibp., na waring ipinanğinğilag na ipagkamali sa ibang may gayón ding pangalan at banság na bulagbul at mangmang. At saka wala namang kasamaang iaanák ang gayón at hindi nagagambalà ang previa censura. Ang Buena Tinta ay galing sa kaniyang pakikipagkaibigan kay Ben-Zayb, nang itó, sa dalawang matunóg na pakipagtunggali na inabot ng buwanan at lingguhan sa mga tudling ng pahayagan ukol sa kung nararapat ó hindi gumamit ng sombrerong hongo, de copa ó salakót, at kung ang paggamit ng ukol sa marami ng salitang caracter ay dapat maging carácteres at hindi caractéres, upang patibayan ang kaniráng mğa panğanġatwiran ay lumulusót kailan man sa mga salitang "cónstanos de buena tinta", "lo sabemos de buena tinta" at ibp. at napag-alamán pagkatapos, sapagka't sa Maynila ay napag-aalamán ang lahát ng bagay, na ang buena tintang ito ay dili ibá't si D. Custodio de Salazar y Sanchez de Monteredondo.
Batang bata pa ng dumating sa Maynilà, na may isáng mabuting katungkulan na siyang nakapagparaan sa kaniyang makapag-asawa sa isang magandang mestisa na isá sa mga magkakaanak na lalong mayaman sa siyudad. Sapagka't may likás na katalinuhan, kapangahasan at walang pagkatigatig, ay natutong samantalahin ang lipunang kaniyang kinalalagyan,